MANILA, Philippines – Naglabas ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 98 ng warrant of arrest laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng tatlong bilang ng kasong grave threats.
Nagtakda ang korte ng piyansang P120,000 para sa bawat bilang ng kaso.
Kinumpirma rin ng Department of Justice (DOJ) ang pagpapalabas ng warrant.
Sinabi naman ni Atty. Paul Lawrence Lim, abogado ni Duterte, na walang intensiyon ang Bise Presidente na umiwas sa batas at patuloy nitong gagamitin ang lahat ng legal na remedyo.
“Regardless of the question on jurisdiction, she has no intention of evading the law and will continue to exercise all her legal remedies,” ayon kay Lim.
Nauna nang naghain ang kampo ni Duterte ng motion to quash o mosyon para ibasura ang mga kaso dahil umano sa kawalan ng hurisdiksiyon ng korte.
Iginiit ng kanyang kampo na bilang isang impeachable officer, may mga usaping konstitusyonal na dapat resolbahin kaugnay ng pagsasampa ng kasong kriminal laban sa isang nakaupong Bise Presidente.
Nag-ugat ang mga kaso sa mga pahayag ni Duterte noong Nobyembre 2024 hinggil kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling umano’y may mangyari sa kanya.
Nauna nang sinabi ni Duterte na inilabas sa konteksto ang kanyang mga pahayag.
Nagsagawa rin noong Agosto ng oral arguments ang korte kaugnay ng mosyon ng kampo ng Bise Presidente na ibasura ang mga kaso. RNT