Home NATIONWIDE Lacson kinuwestiyon DOH sa mintis na UHC targets

Lacson kinuwestiyon DOH sa mintis na UHC targets

3
0

MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang Department of Health (DOH) sa paulit-ulit na pagbabago ng spending targets para sa Universal Health Care (UHC), kasabay ng paghingi ng malinaw na assessment kung nasaan na ang bansa sa pagpapatupad ng programa.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang 2027 budget ng DOH nitong Biyernes, sinabi ni Lacson na mahirap masukat ang progreso ng UHC kung pabago-bago ang financing plans at hindi palaging tumutugma ang target sa aktuwal na paggastos.

“Kung lagi nating nami-miss ang target, para saan ang ating ginagawang financing strategies?” tanong ni Lacson.

Ayon sa senador, sa naunang Medium Term Expenditure Program ng DOH para 2019 hanggang 2022, itinakda ang UHC spending targets sa P168.23 bilyon para sa low-end scenario, P257.08 bilyon para sa medium at P286.33 bilyon para sa high-end.

Sa sumunod na 2020-2023 plan, umakyat naman sa P199.01 bilyon ang low-end target at P469.39 bilyon ang high-end.

Sa Health Care Financing Strategy para 2023 hanggang 2028, nasa P329.7 bilyon ang low target, P456.53 bilyon ang medium at P593.647 bilyon ang high.

Tinukoy din ni Lacson na nasa P283.52 bilyon ang aktuwal na health spending noong 2022.

Kasabay nito, kinilala ng senador na bumaba sa 41.2 porsiyento noong 2025 ang bahagi ng out-of-pocket payments sa health expenses mula 55 porsiyento noong 2016, ngunit sinabi niyang kailangan pa ring linawin kung sapat at aktuwal na nailalabas ang mga pondong nakalaan para sa UHC.

Tinanong din ni Lacson ang PhilHealth hinggil sa mga pondong earmarked sa ilalim ng mga special law gaya ng sin tax law.

Sinabi ni PhilHealth President and CEO Beverly Lorraine Ho na batay sa kanilang tala, nasa P127.55 bilyon ang dapat ma-claim mula 2019 hanggang second quarter ng 2026.

Iginiit ni Lacson na dapat gamitin ng Kongreso ang oversight powers nito kung may mga pondong malinaw na nakalaan sa ilalim ng batas ngunit hindi naire-release para sa UHC. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here