MANILA, Philippines – Kinondena ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio ang planong malaking pagbawas sa budget ng Department of Health (DOH) sa 2027, lalo na’t kulang na ang mga medical personnel sa mga pampublikong ospital.
Sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program, P353.8 bilyon lamang ang inilaan sa DOH mula sa P837 bilyong hiningi nitong budget para sa susunod na taon.
Sa briefing ng House committee on appropriations tungkol sa 2027 budget ng DOH, sinabi ni Tinio na maaapektuhan ng bawas ang pondo para sa operasyon ng mga ospital at personnel services.
Para sa mga DOH hospital sa Metro Manila, P26.9 bilyon lamang ang ilalaan, mula sa P30 bilyon noong 2026. Mabawasan din ng P500 milyon ang pondo ng Rizal Memorial Medical Center at P311 milyon naman sa National Center for Mental Health.
“Kulang na nga ng staff, binabawasan pa. The DOH itself admitted these are unfilled plantilla positions being removed from next year’s budget. That means hospitals will have no opportunity to fill them up during the fiscal year,” pahayag ni Tinio.
Ayon sa mambabatas, dapat punan ang mga bakanteng plantilla positions upang matugunan ang kakulangan ng doctors, nurses at iba pang health professionals sa mga pampublikong ospital.
Nanawagan siya na ibalik ang mga binawas na pondo para sa personnel services at Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga DOH-retained hospital.
Bagama’t sinabi ng DOH na makakakuha ito ng karagdagang pondo mula sa PhilHealth reimbursements at Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), iginiit ni Tinio na hindi ito sapat para matugunan ang pangangailangan ng mga ospital.
Aniya, 30,000 hospital beds lamang ang kasalukuyang awtorisado, kahit ipinangakong palalawakin ito sa 45,000 pagsapit ng 2028. Naantala umano ang expansion dahil sa pagbawas sa Health Facilities Enhancement Program.
“But reimbursement is not instantaneous. In the meantime, our hospitals will be operating on funds that are insufficient—and patients will suffer. Ang kailangan ng mga ospital, direct na pondo para direktang maibigay ang serbisyo,” giit niya.
“We oppose this arrangement na mukhang pinagkakasunduan ng DBM at DOH na bawasan ang MOOE ng mga ospital dahil daw may MAIFIP at PhilHealth.”
Sinabi ni Tinio na dadalhin niya sa plenaryo ang isyu upang itulak ang mas malaking pondo para sa DOH.
“Maganda ang Zero Balance Billing sa papel, pero kung limitado ang kapasidad ng ating mga pampublikong ospital, limitado rin ang makikinabang na mamamayan. Iiwanan lang ng sistema ang ating mga kababayan sa mga pribadong ospital na mas mahal,” ani Tinio. RNT/MDS