MANILA, Philippines – Dalawang 15-anyos na magkapatid ang umano’y tinutukan ng baril, pinosasan at sinaktan ng mga security guard sa isang mall sa Maynila matapos silang pagbintangang nagtangkang magnakaw sa isang tindahan, ayon sa kanilang ina.
Ayon sa ulat, umalis ang magkapatid sa kanilang bahay noong Hulyo 29 upang magsimba kasama ang isang kaibigan ngunit hindi na nakauwi. Noong gabi lamang ng Agosto 2 nalaman ng kanilang ina na dinala sila sa Manila Reception and Action Center.
Ayon sa magkapatid, pumunta sila sa banyo ng mall at nagulat nang paglabas nila ay sarado na ang establisimyento. Sinubukan nilang humanap ng labasan ngunit nakita umano sila ng mga guwardiya, tinutukan ng baril, pinahiga at pinosasan.
Nagkaroon ng sugat ang isa sa magkapatid na ayon sa kanilang ina ay dulot ng posas. Nalaman din umano niya kamakailan na sinampal ng mga guwardiya ang kanyang mga anak. Nauunawaan ng ina na ginagawa lamang ng mga guwardiya ang kanilang trabaho, ngunit para sa kanya ay sumobra umano ang naging pagtrato sa kanyang mga anak.
Samantala, sinabi ng mga imbestigador ng Smoky Mountain Police Community Precinct na ipinakita ng CCTV na kasama ng magkapatid ang isa pang menor de edad sa mall noong gabi ng Hulyo 30. Nakatalukbong umano ang kanilang mga mukha.
Ayon sa pulisya, nakita ang tatlong menor de edad na nagtatago sa isang bakanteng lote at naghihintay na magsara ang mall bago umano nagtangkang buksan ang isang saradong boutique. Pumasok sila sa tindahan at mabilis na umalis makalipas ang humigit-kumulang 30 minuto, bago sila namataan ng mga security personnel.
Hindi na nagsampa ng reklamo ang mall management dahil walang naiulat na nawawalang gamit, ayon sa pulisya.
Iniimbestigahan naman ngayon ng mga awtoridad ang alegasyon ng magkapatid na pisikal silang sinaktan ng mga security guard.
Pinayuhan ni Police Capt. Ryan Jay Balagtas, hepe ng Smoky Mountain police station, ang pamilya na ipasuri sa doktor ang mga menor de edad at magsampa ng kaukulang reklamo kung mapatutunayang nagkaroon ng pananakit.
Sinabi naman ng Manila Department of Social Welfare na handa itong magbigay ng intervention at tulong sa magkapatid.
Wala pang pahayag ang pamunuan ng mall tungkol sa mga alegasyon. RNT/MDS