Home NATIONWIDE LTFRB nagbukas ng higit 8,000 slots sa ride-hailing services

LTFRB nagbukas ng higit 8,000 slots sa ride-hailing services

1
0

MANILA, Philippines – Nagbukas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng kabuuang 8,750 slots para sa ride-hailing services sa Metro Manila, Ilocos Region at Bicol Region.

Natatangi ang desisyon ngayong taon dahil binigyan ng espesyal na konsiderasyon ang mga electric vehicle bilang bahagi ng hakbang para sa moderno at environment-friendly na pampublikong transportasyon.

Sa Metro Manila, lahat ng 7,500 slots para sa Transport Network Vehicle Service (TNVS) ay eksklusibo para sa electric vehicles, partikular ang Plug-in Hybrid Electric Vehicles (PHEVs) at Battery Electric Vehicles (BEVs).

Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua Jr., kalahati ng 650 slots sa Ilocos Region at 600 slots sa Bicol Region ay inilaan din para sa electric vehicles.

Sa Ilocos Region, tig-150 slots ang inilaan sa Ilocos Norte, Ilocos Sur at La Union—75 para sa internal combustion engine vehicles at 75 para sa non-internal combustion engine vehicles. Sa Pangasinan, 200 slots ang inilaan, tig-100 para sa bawat uri.

Sa Bicol Region, kalahati ng 600 slots ay para rin sa electric vehicles.

Nakasaad sa LTFRB memorandum circulars na hindi kwalipikado ang conventional internal combustion engine vehicles, hybrid electric vehicles na hindi PHEV, at iba pang teknolohiyang hindi kabilang sa BEV o PHEV classifications.

“The classification of the vehicle as a BEV or PHEV shall be based on its registration and classification by the Land Transportation Office (LTO) and other applicable government standards and issuances,” ayon sa circulars.

Ipinaliwanag ni Pua na tugma ang hakbang sa layunin ng pambansang pamahalaan na magkaroon ng moderno at environment-friendly na pampublikong transportasyon. Sa kanyang State of the Nation Address, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na layunin ng pamahalaan na maging electric vehicles ang kalahati ng mga sasakyan sa kalsada pagsapit ng 2040.

Batay sa monitoring at pag-aaral ng LTFRB, kulang ang kasalukuyang TNVS allocation para matugunan ang lumalaking bilang ng mga commuter sa Metro Manila, Ilocos Region at Bicol Region. Nakita rin sa feedback ng mga stakeholder ang pangangailangang dagdagan ang slots dahil sa mataas na passenger demand.

Ipinakita rin ng hiwalay na pag-aaral na tumataas ang pangangailangan sa ligtas, maaasahan, accessible at technology-enabled na transport services dahil sa paglawak ng urban, commercial, government at tourism centers.

Ayon sa LTFRB, magsisimula ang aplikasyon para sa mga slot kapag nailathala na sa isang newspaper of general circulation ang mga memorandum circular na kaugnay ng desisyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here