MANILA, Philippines – TINATAYANG umaabot na sa P100 milyong halaga na kontrabando ang nasamsam ng Naval Command Western Mindanao (NCWM) sa isinagawang tatlong maritime operations mula Agosto 28 hanggang Setyembre 3, 2026.
Sa ulat ng mga awtoridad, kabilang sa mga nasamsam ay ang mga hindi dokumentadong diesel fuel na nagkakahalaga ng P72,172,046; smuggled na dayuhang brand ng sigarilyo at mga illegal na trosong Lauan na nagkakahalaga ng P251,999.
Sa kabuuan umaabot sa P99,653,015 ang kabuuang nakumpiskang mga illegal na kontrabando kasama na ang vessel na pinagkargahan sa nasabing mga smuggled na goods.
Pinuri naman ni Rear Admiral Constancio Arturo Reyes Jr., NCWM commander, ang operating units at partner agencies para sa kanilang pagbabantay at koordinasyon.
“These operations reflect NCWM’s sustained commitment to securing the maritime domain of Western Mindanao and preventing its use for smuggling and other illegal activities. We will continue working closely with partner agencies to protect our waters and national interests,” ayon kay Reyes.
Samantala, ang lahat ng nasamsam na items ay tinurn over sa Bureau of Customs–Port of Zamboanga at iba pang kinauukulang ahensiya para sa wastong legal na disposisyon. KRIS JOSE