Home HOME BANNER STORY Maynila nagdeklara na ng epidemya sa leptospirosis

Maynila nagdeklara na ng epidemya sa leptospirosis

1
0

MANILA — Itinuturing nang nasa epidemic condition ang leptospirosis sa Maynila matapos lumampas sa itinakdang epidemiologic threshold ang bilang ng mga bagong kaso ng nakamamatay na sakit.

Sa ulat ni Manila OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla kay Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Lunes ng umaga, sinabi nitong mabilis ang pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa lungsod.

Batay sa datos ng Manila Health Department (MHD), mula sa 1.27% attack rate noong nakaraang linggo, pumalo na ito sa 3.48%—patunay umano ng biglaang pagdami ng mga tinatamaan ng sakit.

Mas lalo pang nakababahala ang sitwasyon dahil full capacity na ang ilang district hospital ng lungsod, kabilang ang Ospital ng Maynila, Sta. Ana Hospital at Justice Jose Abad Santos General Hospital, dahil sa patuloy na pagdagsa ng mga pasyente.

Dahil dito, agad nag-utos si Yorme Isko sa mga kinauukulang ahensya ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila na doblehin ang kampanya laban sa leptospirosis.

Kasama sa pinaigting na hakbang ang agresibong information campaign para ipaalam sa publiko na may libreng doxycycline capsules sa lahat ng 44 health center at 7 district hospital ng lungsod.

Ayon kay Domagoso, hindi na dapat hintayin pang dumulog ang mga residenteng naapektuhan ng baha.

Sa halip, dapat mismong pamahalaang lungsod—sa pamamagitan ng MHD at 896 barangay—ang lumapit sa mga residente at mamahagi ng doxycycline, partikular sa mga lugar na binaha nitong mga nakaraang linggo.

Babala ng mga awtoridad: Huwag balewalain ang leptospirosis, lalo na sa mga lumusong o nakasalamuha ng tubig-baha. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here