PASAY CITY – Naghain si Sen. Mark Villar ng panukalang batas na magbibigay ng hindi bababa sa P650 kada araw na hazard pay at karagdagang insurance protection para sa mga media worker na naaatasang mag-cover sa mga mapanganib na lugar at emergency situations.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2440 o panukalang “Media Workers Hazard Pay Act,” sakop ang mga akreditadong media worker sa pampubliko at pribadong sektor na kailangang personal na mag-report mula sa mga lugar na may armadong labanan, distressed o liblib na istasyon, disease outbreak, at mga lugar na idineklarang nasa state of calamity o emergency.
“Ang mga media worker ang nagsisilbing mata at tainga ng publiko sa panahon ng matitinding krisis at panganib,” ani Villar.
Ayon sa panukala, matatanggap ang hazard pay habang tumatagal ang mapanganib na assignment at hindi maaaring ibaba sa itinakdang halaga. Hindi naman na sakop ng hiwalay na hazard pay ang mga media worker na tumatanggap na ng kapantay o mas mataas na benepisyo.
Oobligahin din ang mga employer na magkaloob ng karagdagang insurance coverage na aabot sa P200,000 death benefit, hanggang P200,000 disability benefit, at hanggang P100,000 medical insurance benefit para sa bawat kwalipikadong media worker.
Makakatanggap din ng karagdagang bayad, alinsunod sa umiiral na batas at industry practice, ang mga media worker na magtatrabaho nang lampas sa walong oras kada araw o sa pagitan ng alas-10 ng gabi at alas-6 ng umaga.
Sinabi ni Villar na mahalagang kilalanin ang panganib na kinakaharap ng mga reporter, camera operator, technical personnel at iba pang media worker lalo na sa panahon ng kalamidad, armadong labanan at health emergencies.
Binanggit din ng senador ang ilang insidente kung saan nalagay sa panganib ang kalusugan at kaligtasan ng mga journalist habang nasa field assignment.
“Dapat kilalanin ang kanilang katapangan at serbisyo sa bayan sa pamamagitan ng mga benepisyo tulad ng hazard pay at insurance,” ani Villar.