Home METRO Magkapatid utas sa pamamaril sa kasagsagan ng gunban sa Maguindanao del Sur

Magkapatid utas sa pamamaril sa kasagsagan ng gunban sa Maguindanao del Sur

1
0

MAGUINDANAO DEL SUR, Philippines – Patay ang dalawang magkapatid matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang armadong lalaki sa Barangay Campo, Paglat, Maguindanao del Sur, nitong Lunes ng hapon, habang umiiral ang election gun ban para sa Sept. 14 Bangsamoro Parliamentary Elections.

Kinilala ni Capt. Steffi Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), ang mga biktima na sina Ebrahim Mamalinta, 35, residente ng Gen. SK Pendatun, at ang kanyang kapatid na si Marquez Mamalinta, residente ng Pandag, kapwa sa Maguindanao del Sur.

Ayon sa pulisya, magkaangkas ang magkapatid sa motorsiklo nang pagbabarilin sila ng dalawang suspek na magkaangkas din sa ibang motorsiklo bandang alas-1 ng hapon.

Batay sa mga saksi, tumakas ang mga suspek patungong Gen. SK Pendatun. Nang dumating ang mga pulis sa lugar, nakita nilang nakahandusay sa tabi ng highway ang dalawang biktima.

Narekober sa lugar ang motorsiklo ng mga biktima, apat na basyo ng bala na hindi pa matukoy ang kalibre, at kanilang mga identification card.

Ipinagkatiwala na sa kanilang pamilya ang mga labi para sa pagsasagawa ng Muslim burial rites. Wala pang umaako sa pamamaril at patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang mga suspek at motibo.

Ayon sa PRO-BAR, umabot na sa 43 gun attacks sa rehiyon mula nang ipatupad ang election gun ban noong Hulyo 16. Sa mga insidenteng ito, 14 ang namatay at walo ang nasugatan.

Pinakamarami ang naitalang gun-related incidents sa Maguindanao del Sur, na may 16 kaso. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here