GENERAL SANTOS CITY, Philippines – Sugatan ang isang 15-anyos na Grade 8 student matapos umanong saksakin ng 18-anyos na Grade 11 student sa loob ng Buayan National High School, Purok 1, Barangay Buayan, General Santos City, nitong Lunes ng umaga.
Ayon kay Colonel Ariel Acala, direktor ng General Santos City Police Office (GSCPO), agad silang rumesponde sa tawag sa 911 tungkol sa insidente bandang alas-8:50 ng umaga.
Sa paunang imbestigasyon, nagtamo ang biktima ng mga saksak sa kanang bahagi ng leeg at tiyan. Agad siyang dinala ng kanyang adviser sa isang medical facility para magamot.
Naaresto naman ng mga security guard ng paaralan ang suspek at isinuko sa mga rumespondeng pulis. Nakumpiska rin sa kanya ang isang “balisong,” o steel folding knife, na tinatayang limang pulgada ang haba at pinaniniwalaang ginamit sa pananaksak.
Dinala ang suspek sa police station para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon. Ipinaalam din sa kanya ng mga pulis ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng batas.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari, posibleng motibo at kaukulang kasong maaaring isampa.
Sinabi ni Acala na nakikipag-ugnayan ang GSCPO sa mga school officials, magulang o guardian at iba pang ahensya para sa maayos na paghawak sa kaso, proteksyon ng mga estudyante at pagpapatupad ng mga hakbang pangkaligtasan sa paaralan.
Samantala, nagpahayag ng matinding pag-aalala si Isagani dela Cruz, superintendent ng General Santos City Schools Division.
“Our immediate priority is the welfare, safety, and recovery of the injured learner, who was promptly provided first aid and brought to a medical facility for appropriate medical attention,” ani Dela Cruz. Sinabi rin niyang agad na ipinaalam sa mga magulang ng estudyante ang insidente.
Tiniyak ng Schools Division na bibigyan ng child protection measures, guidance interventions at psychosocial support ang mga apektadong estudyante at personnel, habang iginagalang ang due process at confidentiality ng lahat ng sangkot.
Patuloy din nilang mino-monitor ang sitwasyon at pinatitibay ang school safety at child protection policies, gayundin ang koordinasyon sa mga magulang, lokal na pamahalaan at law enforcement agencies. RNT/MDS