Home METRO 10, kabilang sanggol nareskyu sa MDSW ops sa Maynila

10, kabilang sanggol nareskyu sa MDSW ops sa Maynila

5
0

MANILA, Philippines – Sa kabila ng walang tigil na pag-ulan dulot ng Habagat, hindi nagpatinag ang mga tauhan ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa pagsasagawa ng rescue at clearing operation sa iba’t ibang lugar sa Lungsod ng Maynila nitong Lunes ng hapon, Setyembre 7, 2026.

Pinangunahan ni MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente ang operasyon, katuwang ang ilang tauhan ng Veterinary Inspection Board (VIB), kung saan umabot sa 10 katao ang kanilang na-rescue, kabilang ang isang sanggol, gayundin ang dalawang aso na alaga ng isa sa mga street dweller.

Ayon kay Dela Fuente, dakong alas-4 ng hapon nang simulan nila ang operasyon at tinungo ang kahabaan ng Rizal Avenue, Roxas Boulevard mula Vito Cruz hanggang Quirino Avenue, Carriedo, ilalim ng McArthur Bridge, at paligid ng Ospital ng Maynila.

Matapos mailikas ang mga street dweller, agad ding nilinis ng mga tauhan ng MDSW ang mga lugar na kanilang pansamantalang tinutuluyan.

Samantala, ilang patalim at iba pang kagamitan, kabilang ang mga kutsilyo, martilyo at screwdriver, ang nakumpiska sa ilang tinutuluyan ng mga street dweller.

Dinala ang mga na-rescue sa Manila Reception and Action Center (RAC), kung saan sila binigyan ng mainit na pagkain at iba pang kinakailangang gamit habang ang mga hayop na ni-rescue ay dinala naman ng VIB sa kanilang impounding area.

Sinabi ni Dela Fuente na kung walang kamag-anak na kukuha sa mga na-rescue na street dweller, dadalhin ang mga ito sa Manila Boystown Complex sa Marikina, na pinamamahalaan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Isinagawa ang operasyon alinsunod sa direktiba ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na panatilihing malinis at maayos ang lungsod, gayundin ang tiyaking ligtas at napangangalagaan ang mga mamamayan, bilang bahagi ng patuloy na paghahatid ng “Serbisyong Yorme” sa mga Manileño. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here