MANILA, Philippines – Kailangang ipatupad ng Roblox ang age verification gamit ang national ID bago matapos ang Oktubre, ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda.
Isa ito sa limang hinihingi ng gobyerno sa online gaming platform, kabilang ang pagtatayo ng opisina sa Pilipinas.
“Yung fifth nalang na kulang is ‘yung age verification through the national ID. So by October, dapat kumpleto na po si Roblox,” ani Aguda.
Ayon kay Aguda, ang Roblox ang nagmungkahi na gamitin ang national ID para masigurong tama ang edad ng mga gumagamit. Hindi umano ililipat ang personal na impormasyon mula PSA patungo sa Roblox; ibe-verify lamang ang pagkakakilanlan.
Interesado rin ang Meta na gamitin ang parehong sistema kung magiging matagumpay ito sa Roblox upang matiyak na angkop sa edad ang content na nakikita ng mga kabataan.
Gayunman, sinabi ni Aguda na nangangamba ang Meta na kung ipatutupad ito sa Pilipinas, maaari rin itong hilingin ng iba pang bansa. Magpapadala ang Meta ng technical working team sa Pilipinas para pag-aralan ang sistema.
Samantala, sinabi ni Aguda na nakapag-hire na ang Roblox ng 300 empleyado sa pamamagitan ng partner nito para sa planong opisina sa bansa. Inaasahan namang maitatayo ng Meta ang Philippine office bago matapos ang taon.
Ang mga hakbang ay kasunod ng mga pangamba sa posibleng papel ng Roblox sa radicalization ng mga bata matapos ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga.
Ang panukalang 2027 budget ng DICT at mga attached agency nito ay P19.4 bilyon. RNT/MDS