MANILA, Philippines – Binatikos ni Senador Joel Villanueva ang PhilHealth dahil sa napakababang bilang ng nakikinabang sa benefit package para sa Autism Spectrum Disorder (ASD).
Sa pagdinig sa Senado, inihayag ni PhilHealth President Dr. Beverly Lorraine Ho na 482 claims pa lang ang nabayaran mula 2017 hanggang ngayon.
Narito ang binanggit ni Villanueva na posibleng problema sa pagtugon ng ahensiya sa sakit:
1. Kakaunting accredited facility – 5 lang sa buong bansa ang maaaring magbigay ng serbisyo
2. Mababang coverage – 90 therapy sessions lang at ₱3,000 hanggang ₱5,000 lang ang assessment fee
3. Kulang sa specialists – Kakaunti ang occupational therapist, physical therapist, at speech-language pathologist
“Ang pangako sa papel ay hindi pareho ng tulong na nasa kamay. Sa loob ng walong taon, 482 pamilya pa lang ang natulungan,” ani Villanueva.
Sinabi naman ni Dr. Ho na maglalabas ng *bagong policy bago matapos ang 2026* na magdodoble sa package rate at bilang ng covered consultations. Mag-a-accredit na rin sila ng mga therapist kahit walang sariling clinic.
Pinag-aaralan din ng PhilHealth at DOH ang pagpapalawak ng screening sa barangay at daycare centers.
Patuloy naman ang pagtutulak ni Villanueva para sa *Senate Bill No. 1822* o *National Autism Care Act* na nagpapalawak pa ng benepisyo para sa mga may ASD.
“Hindi na dapat maghintay pa ang mga pamilya. Kailangan ng aksyon ngayon,” dagdag ng senador. Ernie Reyes