Home HOME BANNER STORY NWPC approval, hinihintay sa bagong P60 umento sa sahod sa MM –...

NWPC approval, hinihintay sa bagong P60 umento sa sahod sa MM – DOLE

5
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang P60 dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa Metro Manila. Hinihintay na lamang ang desisyon ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) bago ito ipatupad.

Ayon kay DOLE-NCR Regional Director Roy Buenaflor, inaprubahan ang Wage Order No. 28 noong Lunes ng gabi at ipinasa na sa NWPC para sa susunod na proseso.

“This is a one-time tranche of P60 and if ever the commission will affirm such wage order, perhaps we could publish this on Friday. The effectivity will be on September 26 or 27,” ani Buenaflor.

Kapag naaprubahan, tataas mula P695 hanggang P755 ang arawang minimum wage ng mga manggagawa sa non-agriculture sector sa Metro Manila.

Sa botohan, 4-3 ang naging resulta. Bumoto pabor ang tatlong kinatawan ng gobyerno at isang employer, habang tumutol ang dalawang kinatawan ng mga manggagawa at isang employer.

Kinuwestiyon naman ni Deputy Speaker at TUCP party-list Rep. Raymond Mendoza ang bagong wage order dahil hindi pa naipatutupad ang Wage Order No. 27 na naglaan ng P85 dagdag-sahod. Nakasuspinde ito dahil sa utos ng Pasig court.

Sinabi ni Buenaflor na ang bagong order ang paraan upang agad maibigay ang unang tranche ng Wage Order No. 27.

Samantala, tinawag ni Kamanggagawa Party-list Rep. Elijah San Fernando na “wage decrease” ang P60 dagdag-sahod dahil mas mababa ito sa P85 na dapat ipatupad sa ilalim ng Wage Order No. 27.

“Dito sa Wage Order No. 28, P60 na lang ang dagdag sahod ng manggagawa. So in effect, wage decrease ito kasi ongoing pa yung usapin sa Wage Order No. 27,” ani San Fernando.

Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, korte ang dapat magdesisyon sa pagpapatupad ng P85 wage hike, hindi ang DOLE. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here