MANILA, Philippines – Nakakuha ng court order ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) para sa pagbawi ng nasa P3.5 milyong halaga ng bank account na may kaugnayan sa illegal drug trafficking.
Sa desisyon ng Regional Trial Court sa Maynila na may petsang Agosto 24, ipinag-utos ang forfeiture pabor sa pamahalaan ng 10 bank accounts na iniuugnay sa apat na indibidwal.
Nakita ng korte ang mga pondo na kinita sa illegal drug trafficking.
Nag-ugat ang kaso sa buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Zamboanga City target ang dalawang indibidwal.
Narekober ng mga awtoridad ang shabu maging ang financial documents sa operasyon.
Dito na hiniling ng PDEA sa AMLC na magsagawa ng financial investigation sa subjects at bank accounts na tinukoy sa dokumento.
Sa imbestigasyon ng AMLC ay nakita ang mga karagdagang related accounts at napatunayan na may kaugnayan nga ito sa illegal drug trafficking. RNT/JGC