MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol na guilty laban sa dating Lazi, Siquijor Mayor na si Orville Fua at apat pa dahil sa pagbili ng fertilizer na nagkakahalaga ng P4.9 milyon mula sa hindi kwalipikadong supplier noong 2004.
Sa 18-pahinang desisyon, pinagtibay ng Second Division ng SC ang hatol ng Sandiganbayan na napatunayang guilty sina Fua, dating Bids and Awards Committee o BAC members na sina Sue Agnes Castillon, Natalio Jumawan, at Rose Tomogsoc, at si Merlyn Lu ng Mangopina Trading Company, Inc.sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Inilabas ang desisyon na isinulat ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier noong Enero at ipinublikong nitong Setyembre.
Ayon sa SC, kumpleto ang mga elemento para maituring na paglabag sa batas.
Base sa Korte Suprema, pumirma si Fua ng purchase request para sa pagbili ng fertilizer at farm inputs para sa Fertilizer Program ng bayan at pumirma sila ng memorandum of agreement para sa paglilipat ng P8 milyon para sa proyekto. Naibigay naman ang kontrata sa Mangopina.
Sinabi ng SC na may “undue damage” na nangyari nang igawad ang proyekto sa Mangopina kahit wala itong kinakailangang lisensya, performance bond, at eligibility requirements.
Dagdag ng Korte Suprema, bukod sa dokumento na nagpapatunay ng pondo, wala nang ibang bidding documents na isinumite ang Mangopina at iba pang bidders para masuri ang kanilang kwalifikasyon.
Wala rin umanong maayos na advertisement o invitation to bid, post-qualification proceedings, notice of award, at performance security bond. Naitala rin na na-evaluate ang Mangopina at dalawa pang bidders sa loob lang ng isang araw.
Binanggit din ng SC na hindi kwalipikado ang Mangopina na mag-supply ng fertilizer noon dahil hindi nito binayaran ang renewal ng mayor’s permit o lisensya at wala rin itong valid at epektibong manufacturer-distributor license. Jocelyn Tabangcura-Domenden