MANILA, Philippines – Nahatulan na ang tatlong indibidwal na iniuugnay sa pamamaril kay dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo sa kanyang bahay noong Marso 4, 2023 sa magkakahiwalay na kaso ng illegal possession ng baril, bala, at pampasabog, ayon sa Department of Justice o DOJ nitong MIyerkules, Setyembre 9.
Sinabi ng DOJ na napatunayang guilty ng Manila Regional Trial Court Branch 40 sina Joric Garrido Labrador, Joven Calibjo at Benjie Rodriguez matapos mapatunyan ng mga prosecutor ang mga paratang na walang makatwirang pagdududa o beyond reasonable doubt.
Si Labrador ay hinatulan ng 8 hanggang 10 taon na pagkakakulong para sa illegal possession of firearms at ammunition habang ang dalawa pang akusado ay hinatulan ng reclusion perpetua o hanggang 40 taon pagkabilanggo para sa illegal possession of explosives.
Nagsimula ang mga kaso sa pamamaril habang namimigay ng ayuda sa bahay ni Degamo sa Pamplona Negros Oriental.
Napatay si Degamo sa insidente kasama ang siyam pa habang may ilan pang nasugatan.
Ayon sa DOJ, nakumpiska sa tatlong akusado ang isang .45 caliber pistol, dalawang magazine 14 bala at dalawang hand grenade.
Pinagtibay din ng Korte ang bisa ng warrantless arrests dahil sa sunod-sunod na pangyayari mula sa pamamaril at pagsusuri ng CCTV footage hanggang sa pagtugis sa mga getaway vehicle.
Sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida na hindi dapat manaig ang impunity laban sa hustisya at dapat managot ang sinumang lalabag sa batas. Jocelyn Tabangcura-Domenden