MANILA, Philippines – Handa na ang House Prosecution Panel sa pagprisinta sa Impeachment court kung saan nakatutok sa paglalahad ng mga ebidensya para sa Article II kaugnay sa unexplained wealth ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Deputy Speaker Paolo Ortega, kabilang si dating Senador Antonio Trillanes sa tinatayang 25 na posibleng maging saksi para sa naturang artikulo, kasama din ang mga kinatawan mula sa Office of the Ombudsman, Anti-Money Laundering Council (AMLC), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Securities and Exchange Commission (SEC0.
“This will be one of the strongest. This will be explosive, this will be exciting, at patuloy po nating panoorin ang impeachment trial,” pahayag ni Ortega.
Sa Setyembre 14, sisimulan ang pagtalakay sa unexplained wealth matapos ang matagumpay na pagdinig sa confidential funds sa ilalim ng Article I.
Nakapaloob sa Article II ang hindi proportion na yaman ni VP Sara sa kanyang legal na kita, pati na ang hindi tapat na pagdedeklara ng mga ari-arian sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) mula 2019 hanggang 2024.
Kasama rin ang mga rekord mula sa AMLC na naglalaman ng 663 transaksyon na nagkakahalaga ng aabot sa P6.77 bilyon, kung saan 3.77 bilyon nito ay naiuugnay kay VP Duterte at P2.99 bilyon naman sa kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Upang mapabilis ang paglilitis sa kabila ng mahigit 1,800 dokumentong pinagsama-sama, sinabi ni House Prosecutor Joel Chua na gagamitin nila ang opsyon para sa stipulation o paghingi ng request for admission sa depensa upang hindi na kailangan pang isa-isang tawagin ang lahat ng 15 kinatawan ng bangko kung wala namang tahasang pagtatalo sa authenticity ng mga ito.
Binigyang-diin din ni Chua ang kahalagahan ng pagtestigo ni Trillanes, aniya, ang kanyang naunang iniharap na impormasyon sa Kamara ay na-cross-check at nagtugma sa mga opisyal na rekord ng AMLC. Gail Mendoza