Home NATIONWIDE Pagdalo nina Jinggoy, Marcoleta sa impeachment trial tablado sa Senado

Pagdalo nina Jinggoy, Marcoleta sa impeachment trial tablado sa Senado

4
0

MANILA, Philippines – Nasa kamay ng Sandiganbayan ang desisyon kung makakadalo sina Senador Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, at walang kapangyarihan ang Senado dito, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.

Sa interview, sinabi ni Gatchalian na dapat humingi ng pahintulot sa anti-graft court ang sinumang senador na nasa kustodiya ng Sandiganbayan na dumalo sa sesyon ng Mataas na Kapulungan at sa impeachment trial ni Duterte.

“By process, nasa jurisdiction na sila ng korte so they have to ask permission from the Sandigan and the Sandigan na magde-decide kung pwede sila mag-attend ng session at pwede sila mag-attend ng impeachment,” pahayag ni Gatchalian sa isang ambush interview.

Tinukoy ni Gatchalian sina Marcoleta at Estrada na kasalukuyang nasa kustodiya ng Sandiganbayan sa kasong plunder na walang pag-asang makapagpiyansa.

Naunang tinanong ng media si Gatchalian kung susulatan ng Senado ang Sandiganbayan para sa posibilidad na pagdalo ng mga detained senator-judge.

“Sila dapat ang humingi ng permission. In the past, ganun ang nangyayari,” ayon kay Gatchalian.

Samantala, kinilala naman ni Sen. JV Ejercito na may valid na concern ang isyu sa partisipasyon ng mga detained senator-judge, lalo na kung papayagan silang bumoto kahit hindi sila nakasali sa buong impeachment proceedings.

“Valid naman yung ni-raise nila… kasi kung papayagang mag-voting, they were not part of the whole impeachment hearings. So yun yung mga puntos na mayroon namang, may mga valid points din naman,” ani Ejercito.

Ayon sa kanya, pakikinggan ng impeachment court ang lahat ng panig at pag-uusapan ang isyu kasama ang iba pang legal na tanong sa kanilang deliberasyon sa Setyembre 23.

“Siyempre, pinakikinggan naman natin. That’s democracy. You have to hear both sides, hear all, kailangan both sides marinig lahat ng panig,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Ejercito na makatutulong ang inputs mula sa mga legal expert at amici curiae o “friends of the court” para hindi maligaw ang mga senator-judge sa mga tanong na konstitusyonal at prosedyural.

Nauna nang sinabi ni Gatchalian na nagbabalak ang Senado na mag-imbita ng tatlo hanggang limang amici curiae, mas mainam kung mga retiradong Mahistrado ng Korte Suprema at iba pang legal luminaries, para magbigay ng opinyon tungkol sa voting threshold at iba pang isyu sa trial. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here