MANILA, Philippines – Binati ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mga gurong Pilipino at mga pinuno ng paaralan dahil sa magandang resulta ng bansa sa 2025 Programme for International Student Assessment (PISA) na patunay na patuloy na umuusad ang edukasyon sa Pilipinas sa kabila ng mga hamon sa sektor.
Sa kanyang mensahe para sa National Teachers’ Month, ibinida ni Dy na nakuha ng bansa ang pinakamataas na marka sa kasaysayan nito pagdating sa reading, mathematics, at science.
“Sa pinakahuling PISA assessment, naitala ng Pilipinas ang pinakamataas nating scores sa reading, mathematics, at science. The Philippines has been recognized as being the fastest-improving country in reading performance over the past decade. Congratulations po sa ating mga guro at school leaders!” pahayag ni Dy.
Bukod dito, kinilala rin ang Pilipinas bilang bansang pinakamabilis umunlad sa kakayahan sa pagbabasa (reading performance) sa buong mundo sa nakalipas na dekada, gayundin sa larangan ng matematika.
Sinabi ni Dy na ang tagumpay na ito ay dapat magsilbing inspirasyon para lalo pang pagbutihin ang kalidad ng pagtuturo sa mga paaralan, aniya, malaking bahagi ng tagumpay na ito ay dahil sa sakripisyo ng mga guro araw-araw.
“Hindi po madali ang maging guro. Every day, you face different challenges, large classes, limited resources, mountains of paperwork, and so many responsibilities. At minsan, kahit kayo mismo ay may pinagdadaanan, you still show up and give your best for your students,” pahayag ni Dy.
Binigyang-diin pa ni Dy na hindi lamang simpleng leksyon sa silid-aralan ang itinuturo ng mga guro kundi pati na rin ang paghubog sa pangarap at kinabukasan ng mga kabataan.
“Ito po ang natatanging kapangyarihan ng isang guro. Your lessons may begin in the classroom, but their impact can last a lifetime and help build a better Philippines,” pagtatapos ni Dy. Gail Mendoza