MANILA, Philippines — Halos kalahati o 48% ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ang umaasang gaganda ang kanilang kalidad ng buhay sa susunod na 12 buwan, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Tinukoy ng SWS bilang “optimists” ang mga respondent na umaasang bubuti ang kanilang buhay. Samantala, 31% ang nagsabing hindi ito magbabago, 8% ang naniniwalang lalala at 12% ang hindi nagbigay ng sagot.
Umabot sa “excellent” na +40 ang Net Personal Optimism score, na nakukuha sa pagbabawas ng porsiyento ng mga pessimist mula sa mga optimist.
Mas mataas ito nang 17 puntos kumpara sa “high” na +23 na naitala noong Marso.
Pinakamalaki ang pagtaas sa Balance Luzon, mula +22 tungong “excellent” na +49. Umakyat din ang marka sa Metro Manila mula +28 tungong +36, Visayas mula +27 tungong +33, at Mindanao mula +20 tungong +31.
Isinagawa ang non-commissioned survey mula Hunyo 20 hanggang 29 sa pamamagitan ng face-to-face interview sa 1,200 Pilipinong edad 18 pataas.
May sampling error margin itong ±3 percentage points para sa pambansang resulta at ±6 percentage points para sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas at Mindanao. Dave Medina