Home METRO Suspek sa pagpatay sa Kano at asawang Pinay sa Dumaguete, tukoy na

Suspek sa pagpatay sa Kano at asawang Pinay sa Dumaguete, tukoy na

4
0

DUMAGUETE CITY — Natukoy na ng pulisya ang isang suspek sa pagpatay sa isang American national at Pilipina niyang asawa sa kanilang bahay sa Barangay Bajumpandan noong nakaraang linggo.

Sa isang ulat, sinabi ni Negros Oriental Police Provincial Office spokesperson Capt. Stephen Polinar na positibong kinilala ng kasambahay ng mag-asawa ang suspek mula sa mga larawan na iprinisenta ng pulisya.

Ayon sa salaysay ng kasambahay, ang lalaking nasa larawan ang umano’y tumutok sa kanya ng baril at gumapos sa kanya bago pagbabarilin ang mag-asawa sa loob ng pangunahing bahay.

Hindi muna isiniwalat ng pulisya ang pagkakakilanlan at iba pang detalye tungkol sa suspek habang patuloy itong pinaghahanap.

Sinisiyasat din ng mga awtoridad ang posibleng pagkakasangkot ng isa pang indibidwal sa krimen.

Nakatakdang magsampa ang pulisya ng reklamong robbery with homicide laban sa natukoy na suspek sa city prosecutor’s office sa Huwebes.

Ang mga biktimang sina Mark Duell, 72, at Elisea Duell, 71, ay inilibing sa Dumaguete City nitong Miyerkoles.

Magpapatuloy ang imbestigasyon ng Special Investigation Task Force Duell hanggang sa maaresto ang suspek o mga suspek. Inilarawan ng pulisya ang insidente bilang posibleng pagnanakaw. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here