MANILA, Philippines — Umabot sa 21,721 pulis, sundalo at miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) ang ikinalat upang bantayan ang unang Bangsamoro parliamentary elections sa Setyembre 14.
Dinagdagan ng Philippine National Police (PNP) sa 9,821 ang mga tauhan nito mula sa naunang 9,435. Kabilang dito ang 4,361 mula sa Police Regional Office-BARMM at 2,430 mula sa iba pang police regional offices.
Nagpadala rin ng mga tauhan ang Special Action Force, Maritime Group, Explosive Ordnance Disposal and Canine Group at Highway Patrol Group.
Sa kabuuang puwersa ng PNP, 4,313 ang nakatalaga sa mga voting center, 856 sa mga checkpoint, 218 sa mga tanggapan ng local treasurer at 208 sa mga lokal na opisina ng Commission on Elections.
Mayroon ding 2,120 pulis na magsisilbing quick reaction force at 352 para sa civil disturbance management.
Bukod dito, 1,754 pulis ang sinanay at itinalaga sa Special Electoral Boards na hahalili kapag hindi makapangasiwa sa botohan ang mga tauhan ng Comelec at mga guro.
Samantala, nagdeploy ang Philippine Army ng 11,900 sundalo at CAFGU mula sa 1st, 6th at 11th Infantry Divisions.
Nagpadala ang 1st Infantry Division ng dalawang karagdagang provisional battalion sa Lanao del Sur noong Agosto 31, bukod sa walong infantry battalion na naunang itinalaga sa election security operations.
Naghanda rin ang Army ng quick reaction, armor, artillery, mobility at protection units. Nakatakda ring magdeploy ang 3rd Special Forces Battalion bago ang araw ng halalan.
Tiniyak ng PNP at Army na mananatiling propesyonal, walang kinikilingan at non-partisan ang mga nakatalagang puwersa.
Tinatayang 2.393 milyong botante ang boboto sa 5,212 presinto upang punan ang 78 puwesto sa Bangsamoro Parliament. Dave Medina