Home NATIONWIDE Dayuhang mamumuhunan na mag-invest sa Luzon Economic Corridor, hinikayat ni PBBM

Dayuhang mamumuhunan na mag-invest sa Luzon Economic Corridor, hinikayat ni PBBM

4
0

MANILA, Philippines – Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Huwebes ang mga foreign investors na maglagak ng puhunan sa Pilipinas sa pamamagitan ng Luzon Economic Corridor (LEC) at dalhin sa bansa ang kanilang kapital at teknolohiya.

Sa kaniyang talumpati sa 2026 Luzon Economic Corridor (LEC) Investment Forum na ginanap sa Grand Ballroom ng Grand Hyatt Manila sa Bonifacio Global City, Taguig City, sinabi ni Pangulong Marcos na “Sa mga mamumuhunan at lider ng negosyo na narito ngayon: Inaanyayahan ko kayong magtayo kasama namin. Itayo ninyo ang inyong susunod na negosyo sa Pilipinas. Dalhin ninyo ang inyong kapital, teknolohiya at kadalubhasaan. Linangin ang talento ng mga Pilipino at mga lokal na supplier. Bumuo ng pangmatagalang partnership kasama ang ating mga negosyo at komunidad.”

Tiniyak din ng Pangulo sa mga dayuhang mamumuhunan na maaari nilang pagkatiwalaan ang Pilipinas.

“Alam natin na ang tiwala ay nakakamit sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagkilos. Kaya patuloy naming ibibigay ang katatagan, imprastraktura, talento at responsableng pamahalaan na kinakailangan para sa pangmatagalang pamumuhunan. Nais naming magtagumpay kayo rito dahil ang inyong tagumpay ay lilikha ng mga oportunidad para sa ating mga kababayan,” pahayag pa ng Pangulo.

Winika pa ng Pangulo na nais ng pamahalaan na tingnan ng mga dayuhang mamumuhunan ang Pilipinas hindi lamang bilang isa pang merkado, kundi bilang isang partner at lugar kung saan maaari silang magtayo, mag-innovate at umunlad sa mga susunod pang henerasyon.

Binigyang-diin ng Pangulo na hindi susukatin ang tagumpay ng LEC sa dami ng mga pulong na isinasagawa o mga proyektong inaanunsyo, kundi sa kung ano ang “ating pinopondohan, itinatayo, at ipinapatakbo—at sa mga trabaho, negosyo, at oportunidad na nalilikha para sa ating mga kababayan.”

Tiniyak ni Pangulong Marcos na handa na ang Pilipinas para sa mga pamumuhunan.

“Gawin nating matatag na mga pangako ang ating kumpiyansa, gawing pangmatagalang pakikipagtulungan ang mga pangakong ito, at gawing kongkretong pag-unlad ang mga pakikipagtulungang ito—pag-unlad na makikita at mararamdaman ng ating mga kababayan. Halina’t makiisa at magtayo kasama namin. Mamuhunan tayo sa mga Pilipino. Ilagak natin ang ating tiwala sa Pilipinas. At sama-sama nating itaguyod ang isang mas konektado at mas mapagkumpitensyang Luzon—at sa pamamagitan nito, isang mas matatag at mas inklusibong Pilipinas,” ayon pa rin sa Pangulo.

Kabilang sa mga dumalo sa forum sina Finance Secretary Frederick Go; United States Ambassador to the Philippines Lee Lipton; mga miyembro ng Gabinete; mga miyembro ng Diplomatic Corps; Chargé d’Affaires Ono Sho ng Japan sa Pilipinas; U.S. Trade and Development Agency Deputy Director at Chief Operating Officer Thomas Hardy; mga pangunahing katuwang at stakeholder mula sa pribado at pampublikong sektor at mga kawani ng pamahalaan. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here