PAMPANGA, Philippines – Makakatanggap ng financial package mula sa national government ang Pampanga para sa pagbangon mula sa matinding pagbaha dulot ng magkakasunod na bagyo at Habagat.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, malaking pondo ang ilalaan sa Pampanga sa pamamagitan ng Local Government Support Fund. Hindi pa niya sinabi ang halaga at si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mag-aanunsyo nito.
“Makakaasa po kayo sa todong suporta na ibibigay ng ating national government… In the next few days, base sa pangako po niya, meron pong malaking financial package po ang ibibigay ng ating Pangulo through the Local Government Support Fund, na ibibigay sa Pampanga sa mga mayors ng Pampanga at sa provincial government at sa ating mga LGUs,” ani Dizon.
Sa tala ng Office of Civil Defense, pinakamalubhang naapektuhan sa Habagat season ang Pampanga, kung saan 15 sa 21 bayan nito ang nakararanas pa rin ng baha noong Setyembre 8.
Hiniling din ni Dizon sa mga lokal na opisyal na tumulong sa pagtukoy ng lugar para sa mga water detention basin upang hindi agad mapuno ng tubig ang mga ilog at daluyan.
Kabilang sa pinag-aaralan ang Candaba Swamp, ngunit tiniyak ni Dizon na hindi basta ibabalik ang dating plano na maaaring magpalikas ng mga magsasaka at makaapekto sa kanilang kabuhayan.
“Balu ku sensitive ko keni (I know you are sensitive about this) pero we are not going to implement yung plano dati… Kaya namin kayo inimbita para yung mga mayor na po, tulungan niyo kaming mag-identify, yung hindi tayo makakadisplace ng mga tao, hindi tayo makakaapekto ng livelihood masyado,” ani Dizon.
Sa halip na isang malaking detention basin, pinag-aaralan din ang maraming maliliit na pasilidad.
“Ang sabi naman ng mga consultant natin, kung wala tayo nung malaking-malaki, pwede naman maraming maliliit e. Ang tawag nila pocket detention basin na pinagsama-sama din naman natin, maganda yung epekto pa rin,” dagdag niya.
Suportado naman ni Gov. Lilia Pineda ang flood management plans at hinikayat ang mga lokal na opisyal na makipagtulungan.
Kasama rin sa pangmatagalang plano ang muling pagtalakay sa Pampanga Delta Development Project Phase 2, na layong palawakin ang mga ilog at mabawasan ang pagbaha sa Pampanga at Bulacan.
“Sabi ng Pangulo tama na, tama na yung kwentuhan, tama na yung debate, magtrabaho na tayo. Matagal na masyadong naghihintay yung mga kababayan natin dito. Taon-taon binabaha tapos hindi naman nagagawa yung dapat gawin so ngayon ito na yung gagawin natin,” ani Dizon. RNT/MDS