Home TOP STORIES DOTr pinakikilos sa sinasabing ‘ghost riders’ sa motorcycle taxi

DOTr pinakikilos sa sinasabing ‘ghost riders’ sa motorcycle taxi

51
0

MANILA, Philippines — Nanawagan ang ilang transport at legal groups sa Department of Transportation (DOTr) na linawin ang naging aksyon at pananagutan kaugnay ng kontrobersiya sa umano’y “ghost riders” sa motorcycle taxi sector.

Ayon kay Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP) President Atty. Ariel Inton, dapat pantay ang pagpapatupad ng mga umiiral na regulasyon at dumaan sa tamang proseso ang anumang pagbabago sa mga patakaran.

“Dapat walang exempted sa batas. Kung may kailangang baguhin sa regulasyon, may tamang proseso,” ani Inton.

Umingay ang isyu noong unang bahagi ng taon kasabay ng pamamahagi ng cash assistance sa mga transport worker, nang magkaroon ng mga problema sa rider masterlists at classification ng ilang benepisyaryo.

Kinumpirma noon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may mga rider na na-misclassify ng kanilang transport network companies, habang nilinaw din ng ahensya na ang mga listahan ng motorcycle taxi at iba pang transport beneficiaries ay nagmumula sa mga transport-related entities at hindi direktang binubuo ng DSWD.

Hiniling ni Inton sa DOTr na ilabas kung ano ang naging resulta ng pagsusuri sa rider lists at onboarding, kung may corrective measures na ipinatupad, at kung may napanagot sa anumang paglabag.

Nanawagan din ang National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Associations of the Philippines (NACTODAP) at National Public Transport Coalition (NPTC) na tiyaking pare-pareho ang pagpapatupad ng mga limitasyon at regulasyon sa iba’t ibang uri ng pampublikong transportasyon.

“Kung mahigpit ang rules sa amin pero pwedeng lampasan ang iba nang walang malinaw na pananagutan, ang sumusunod sa batas ang nade-dehado,” ani Ariel Lim, kinatawan ng NACTODAP at NPTC.

Iginiit naman ng mga grupo na hindi dapat maparusahan ang mga rider dahil sa mga desisyong ginagawa sa corporate level, ngunit dapat ding may malinaw na pananagutan kung mapatutunayang may paglabag sa itinakdang rider limits o onboarding rules.

Wala pang inilalahad sa pahayag ng mga grupo na pinal na finding ng DOTr na nagpapatunay na may partikular na motorcycle taxi company na lumabag sa mga regulasyon. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here