MANILA, Philippines – Sinusuri ng Department of Justice (DOJ) ang posibilidad na maglabas ng Lookout Bulletin Order (LBO) laban sa ilang personalidad na iniuugnay sa umano’y “honey trap” plot laban kay Executive Secretary Ralph Recto.
Ayon kay Justice Secretary Frederick Vida, kabilang sa maaaring maisyuhan sina Batangas Rep. Leandro Leviste at dating Negros Oriental Rep. Jacinto “Jing” Paras.
Aniya, nasa evaluation process na ang reklamo ng National Bureau of Investigation (NBI) laban kina Leviste, Paras, “Alias Ken” at apat na abogado ng Rondain and Mendiola Law Firm.
“We are in that stage now,” ani Vida, matapos sabihin na may 10 araw ang DOJ para suriin kung itutuloy ang reklamo sa preliminary investigation o ibabalik ito sa NBI.
Noong Setyembre 4, naghain ang NBI ng qualified human trafficking complaint kaugnay ng umano’y planong gumawa ng mga pekeng pahayag laban kay Recto. Kabilang sa mga iniuugnay dito ang apat na abogado na sina Ruy Rondain, Orlando Mendiola, Patrick Criaga at Josemilio Manuel Apostol.
Nagsimula ang imbestigasyon matapos maaresto si “Alias Ken” noong Hulyo 28. Ayon sa kanya, pinagplanuhan umano nina Paras at mga abogado ang “character assassination” laban kay Recto, habang si Leviste naman umano ang financier.
Itinanggi ng lahat ng iniuugnay sa kaso ang mga alegasyon. RNT/MDS/Jocelyn Tabangcura-Domenden