Home NATIONWIDE Magkapatid na Cayetano, nasa ibang bansa; BI walang nakitang hadlang sa pag-alis

Magkapatid na Cayetano, nasa ibang bansa; BI walang nakitang hadlang sa pag-alis

3
0

MANILA, Philippines –  — Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na kapwa nasa labas ng bansa sina Senators Alan Peter Cayetano at Pia Cayetano nitong Huwebes.

Ayon sa BI, batay sa kanilang records, walang hold departure order o derogatory record laban sa magkapatid na senador noong araw ng kanilang pag-alis.

Dahil dito, wala umanong legal na hadlang para makalabas ng bansa ang dalawang mambabatas.

Gayunman, tumanggi ang BI na ibunyag ang detalye ng kanilang biyahe, kabilang ang itinerary at iba pang impormasyon, alinsunod sa Data Privacy Act of 2012.

Wala pa ring inilalabas na pahayag ang mga tanggapan nina Alan at Pia Cayetano tungkol sa tunay na dahilan ng kanilang paglalakbay.

Ayon naman kay Senate President Sherwin Gatchalian, hindi kailangang kumuha ng travel authority ang mga senador at Senate employees kung personal lamang ang kanilang biyahe. Kinakailangan lamang ang approval para sa official travel.

Sinabi rin ni Gatchalian na wala silang alam sa dahilan ng pag-alis ng magkapatid. Samantala, sinabi ni Senate Majority Leader Miguel Zubiri na posibleng personal trip ito at maaaring may kinalaman sa kalusugan.

Nagpaabot naman ng mabuting hangarin si Sen. Panfilo Lacson kay Alan Cayetano, lalo na kung may kaugnayan sa health concerns ang pag-alis nito.

Samantala, sinabi ni Gatchalian na walang itinakdang petsa kung kailan matatapos ang medical leave ni Sen. Loren Legarda, na nakadepende umano sa kanyang gamutan at kondisyon. Hindi rin umano kumukuha ng suweldo si Legarda habang naka-medical leave.

Naging usap-usapan ang pagliban nina Legarda, Ronald dela Rosa, Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta dahil sa posibleng epekto nito sa bilang ng boto sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Kailangan ng 2/3 o dalawang-katlo ng lahat ng senador para sa conviction, habang nagbabala si Sen. Erwin Tulfo na maaaring mauwi sa acquittal kung ituturing na hindi pabor sa conviction ang boto ng mga absent na senador. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here