MANILA, Philippines – Suportado ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang mga hakbang ng Department of Education (DepEd) na palakasin ang senior high school curriculum upang mas maging handa sa trabaho at adult life ang mga mag-aaral.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa panukalang 2027 budget ng DepEd, sinabi ni Yamsuan na mahalagang maging “employable” ang SHS graduates, lalo na ang mga estudyanteng hindi agad makapagpapatuloy sa kolehiyo dahil sa kakulangan sa pera.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, kabilang sa mga pagbabago ang pagpapahaba ng work immersion o on-the-job training requirement sa hanggang 640 oras, mula sa karaniwang 80 hanggang 160 oras.
Sinabi ni Angara na layunin nitong tugunan ang feedback mula sa mga employer na marami umanong SHS graduates ang hindi pa sapat ang paghahanda para sa regular na walong oras na trabaho.
Isinama rin ng DepEd ang Life and Career Skills bilang core subject sa bagong SHS curriculum upang ihanda ang mga mag-aaral sa trabaho, kolehiyo, pagnenegosyo at iba pang career paths.
Ayon kay Angara, tututok ang asignatura sa paghubog ng life skills at “growth mindset” ng mga estudyante, kasunod ng survey ng DepEd na nagpakitang marami sa basic education learners ang hindi naniniwalang mapapabuti ng edukasyon ang kanilang buhay.
Suportado rin ni Yamsuan ang pagpapalakas ng Good Manners and Right Conduct at Values Education, gayundin ang pagdagdag ng mental health support sa mga pampublikong paaralan.
Sinabi ni Angara na niluwagan na rin ng DepEd ang qualification requirements para sa counselor-associates upang makatulong sa kakulangan ng guidance personnel sa public schools. RNT