Home NATIONWIDE Win: Cayetanos ‘di kailangang magpaalam sa personal travel

Win: Cayetanos ‘di kailangang magpaalam sa personal travel

3
0

MANILA, Philippines – Hindi kailangang humingi ng permiso sa Senado sina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano at Sen. Pia Cayetano kung personal na biyahe ang kanilang pag-alis ng bansa, ayon kay Senate President Win Gatchalian.

Sinabi ni Gatchalian na kailangan lamang ng formal travel authority kung opisyal ang biyahe at gumagamit ng pondo o resources ng Senado para sa airfare, hotel, staff at iba pang gastusin.

“Kapag personal trips, hindi naman kailangang magpaalam sa Senado,” ani Gatchalian sa ambush interview.

Ayon sa Senate President, hindi rin kinakailangang mag-file ng leave kung personal ang lakad ng isang senador.

Sinabi naman ni Senate President Pro Tempore Vicente Sotto III na hindi obligado ang mga senador na humingi ng permiso bago bumiyahe sa ibang bansa.

Ganito rin ang posisyon ni Sen. Panfilo Lacson, na nagsabing hindi pa dapat gawing isyu ang biyahe ni Cayetano hangga’t personal ito at hindi nakaaapekto sa kanyang tungkulin sa Senado.

Ayon kay Lacson, ang impormasyong natanggap niya ay nasa Singapore si Cayetano at posibleng may kinalaman ang biyahe sa health concerns, bagama’t hindi niya ito kinumpirma bilang opisyal na dahilan.

Sinabi niyang magiging usapin lamang ito kung hindi makadadalo si Cayetano sa sesyon o kung kailangan niyang humarap sa isang pormal na summons o imbitasyon mula sa mga awtoridad.

Kinumpirma naman ng Bureau of Immigration nitong Huwebes na nasa labas ng bansa sina Alan Peter at Pia Cayetano. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here