Home METRO NBI probe, hirit ng Fil-Am TV personality sa pagkamatay ng ina matapos...

NBI probe, hirit ng Fil-Am TV personality sa pagkamatay ng ina matapos cosmetic surgery

3
0

MANILA, Philippines – Dumulog sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Filipino-American reality television personality upang hilinging imbestigahan ang pagkamatay ng kanyang ina matapos itong sumailalim sa ilang cosmetic procedures sa San Juan City.

Nagtungo si Ronn Tristan Perez sa NBI Homicide Division nitong Huwebes upang humingi ng tulong sa pag-alam sa mga pangyayari bago namatay ang kanyang ina.

Ayon kay Perez, sumailalim ang kanyang ina noong Marso 2 sa apat na procedures—liposuction, Brazilian butt lift, tummy tuck at body tite para sa mga braso—na umano’y isinagawa sa loob ng pitong oras.

Sinabi niyang nagkakahalaga ang mga procedure ng humigit-kumulang P570,000.

Ayon pa kay Perez, napansin niyang namumutla ang kanyang ina matapos ang operasyon. Makalipas ang ilang araw, ipinaalam sa kanya ng kanyang ama at tiyuhin na namatay na ito.

Iginiit ni Perez na hindi siya direktang nag-aakusa kaninuman at nais lamang niyang makuha ang kumpletong medical records at masuri ng mga eksperto kung nasunod ang tamang medical procedures at standard of care.

Sinabi rin niyang hindi umano kumpleto ang mga dokumentong natanggap niya mula sa clinic matapos niyang hingin ang medical records ng kanyang ina.

May proseso ang NBI para sa homicide investigation at medico-legal examination, kabilang ang autopsy o necropsy kung kailangan sa isang imbestigasyon.

Hindi pinangalanan sa ulat ang surgeon o clinic, at wala ring inilatag na findings na nagpapatunay na ang cosmetic procedures ang direktang sanhi ng pagkamatay. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here