MANILA, Philippines – Nananawagan ang Senado na pasimplehin ang mga requirement at regulasyon para sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) dahil maraming maliliit na negosyo ang nauubos ang oras at puhunan sa pagsunod sa mga ito, habang ang ilan ay nabibiktima pa ng pangongotong at korapsyon.
Ito ang binigyang-diin sa isinagawang pagdinig ngayong araw na dinaluhan ng Department of Trade and Industry (DTI), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Internal Revenue (BIR), Food and Drug Administration (FDA), at iba’t ibang grupo ng MSMEs, entrepreneurs at stakeholders.
Sa kanyang pambungad na pahayag, ibinalik-tanaw ng senador ang karanasan niya sa CARD-MRI sa ilalim ng Hapinoy program na tumulong sa libo-libong sari-sari store owners.
“Doon natin nakita kung gaano kasipag at kasigasig ang ating maliliit na negosyante. Marami sa mga nanay na may tindahan ang gumigising nang madaling-araw, nag-aalaga ng anak habang nagnenegosyo, at nagsasara lamang sa gabi pagkatapos ng pinakahuling customer, sometimes lasing pa ang pinakahuling customer,” aniya.
Ayon sa senador, sa maliit na kita mula sa sari-sari store ay naipadala ng mga ito ang kanilang anak sa paaralan at ang ilan ay nakapagtapos pa ng kolehiyo.
“Patunay ang kanilang kwento na hindi kulang sa sipag, tiyaga, o pangarap ang mga Pilipino,” dagdag niya.
Iginiit ng mambabatas na hindi slogan lang ang pagiging backbone ng ekonomiya ng MSMEs. Halos 99% ng mga rehistradong negosyo sa bansa ay MSMEs at halos 2 sa bawat 3 manggagawa ay konektado sa kanila.
“Kapag umuunlad ang ating MSMEs, mas maraming pamilyang Pilipino ang magkakaroon ng maayos na kabuhayan at mas maraming komunidad ang lalago,” sabi niya.
Ngunit sa halip na matulungan, marami sa maliliit na negosyo ang nahihirapan.
“Para sa isang malaking kumpanya, bahagi lamang ng regular operations ang pagkuha ng permit o paghahanda ng dokumento. Pero para sa isang MSME, bawat araw na nauubos sa pila ay isang araw na hindi siya nakapagbukas ng tindahan. Bawat dagdag na bayarin ay bawas sa puhunan, pangsweldo, o panggastos sa pamilya,” paliwanag ng senador.
Binanggit din niya na iba pa ang usapin ng korapsyon na siyang “pumapatay sa kanilang mga negosyo.”
Inilatag ng komite ang tatlong layunin ng pagdinig.
Una, tukuyin ang pinakamagastos, pinakamabigat at pinakamahirap na requirement na hinaharap ng MSMEs mula sa pagsisimula hanggang sa paglago ng negosyo, kabilang ang pangongotong at korapsyon.
Ikalawa, alamin kung paano mapapasimple ng BFP, BIR, at FDA ang kanilang mga regulasyon at gawing angkop ayon sa laki ng negosyo, risk profile, at tunay na kalagayan ng bawat sektor.
“Hindi tama na pare-pareho lang ang requirement ng maliliit at malalaki. Iba ang requirement ng maliit sa malaki at nararapat lang na may ibang set of rules para sa smaller businesses,” giit ng senador.
Nilinaw naman niyang mahalaga ang regulasyon para sa kaligtasan, kalusugan, tamang pagbubuwis at proteksyon ng publiko, pero dapat itong maging makatwiran, malinaw, at angkop sa kakayahan ng negosyo.
Ikatlo, makakuha ng malinaw at specific na commitment mula sa bawat ahensya para suportahan ang MSMEs.
“Nung tayo’y naging chairman ng Trade, Commerce and Entrepreneurship, tuloy-tuloy yung pagdudulog ng mga entrepreneur sa atin. Sa araw na ito, maging tapat tayo. Real talk ang kailangan natin, sabi nga ni Secretary Cris Roque. Huwag tayong mahiya sa isa’t isa,” pagtatapos ng senador. Ernie Reyes