MANILA, Philippines – ITINATAG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Education Philippines (EduPhil) Program upang itaguyod ang Pilipinas bilang destinasyon ng mga international student na nais kumuha ng higher education, magsagawa ng research at sumailalim sa training sa bansa.
Sa Executive Order No. 124, kinilala ng administrasyon ang mahalagang papel ng international education sa paglago ng ekonomiya, pagsusulong ng innovation, cultural diplomacy, human capital development at international cooperation.
Layunin ng EduPhil na palakasin ang posisyon ng Pilipinas bilang destinasyon para sa higher education, research at academic exchange sa pamamagitan ng pagpapalawak ng academic cooperation, research collaboration at innovation partnerships. Kasama rin dito ang pagpapadali sa pagpasok, pananatili at pag-aaral ng mga international student sa bansa.
Tutulungan din ng programa ang mga higher education institution na makahikayat ng mga international student, mapahusay ang serbisyong ibinibigay sa kanila at makapagpatupad ng mga inisyatibang naaayon sa layunin ng EduPhil.
Itinalaga ang Commission on Higher Education (CHED) bilang pangunahing ahensiyang mangunguna sa pagpapatupad ng programa.
Sa ilalim ng EO No. 124, itinatag din ang EduPhil Task Force bilang inter-agency body na mangunguna sa koordinasyon ng mga hakbang para sa pagsusulong at pagpapaunlad ng international education sa mga higher education institution sa Pilipinas.
Magsisilbing secretariat ng Task Force ang CHED at magbibigay ng kinakailangang teknikal at administratibong suporta.
Itatatag din ang EduPhil Portal upang mapadali at mapabilis ang paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan para sa mga international student.
Binigyan ng Pangulo ang CHED ng tungkuling pangasiwaan ang programa at suriin ang pagpapatupad nito sa loob ng isang taon mula nang ilabas ang Executive Order.
Nilagdaan ni Pangulong Marcos ang EO No. 124 noong Setyembre 8. Ang paunang pondo para sa programa ay kukunin mula sa kasalukuyang available appropriations ng CHED at iba pang kaugnay na ahensya.
Alinsunod sa Republic Act No. 11448, o Transnational Higher Education Act, patakaran ng estado na hikayatin at palawakin ang transnational higher education programs at ang internationalization ng higher education sa Pilipinas. KRIS JOSE