MANILA, Philippines – NAGPASALAMAT ang Batac Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) Cooperative kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahilan sa P2.1-milyong livelihood project na kinabibilangan ng poultry housing at feeds, na nakatutulong sa dagdag na kita ng mga tricycle operator at driver sa Batac City, Ilocos Norte.
Ayon kay Ryan Aquino, chairman ng Samahang Todakba Cooperative Agriculture ng Trisikilan, patuloy na umaandar ang kanilang poultry business at nagbibigay ng karagdagang kabuhayan sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA).
Sinabi ni Aquino na sa tulong ng Pangulo, inilaan ang P2.1 milyon para sa proyekto, kabilang ang pagpapatayo ng poultry housing at pagbibigay ng feeds.
“Yung PhP2.1 million ang halaga, kasama na yung housing, saka feeds, doon po ang binigay niya. Yung business, tuloy-tuloy, nakikinabang yung mga kasama naming tricycle drivers,” ani Aquino.
Nagsimula na ring mangitlog ang mga alagang manok, kaya nagbahagi ang kooperatiba ng kanilang ani kay Pangulong Marcos bilang pasasalamat sa tulong na kanilang natanggap.
“Ngayon po, nang-itlog na po yung aming mga manok. Kaya bilang pasasalamat, kahit papaano, papatikim namin kay Apo Presidente yung produkto na binigay niya,” dagdag ni Aquino.
Ayon sa TODA president, nasa 2,500 miyembro ang nakikinabang sa proyekto.
Isa sa mga benepisyaryo si Alfredo Tabieros, isang TODA driver na nanalo sa raffle na isinagawa ng kooperatiba at nag-uwi ng bagong tricycle na may kasamang prangkisa.
Para kay Tabieros, malaking oportunidad ito upang magkaroon ng mas regular na kita at matugunan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Tatlo sa kanyang mga anak ay nag-aaral, kabilang ang isa na nasa kolehiyo at kumukuha ng Civil Engineering.
“Unang-una, nagpasalamat ako sa Diyos at sa Pangulo. Binigyan ako ng isang buong tricycle, magagamit ko sa pamilya ko,” ani Tabieros.
Dumalo rin ang ilang miyembro ng TODA sa wreath-laying ceremony upang personal na pasalamatan si Pangulong Marcos para sa mga tulong at programang pangkabuhayan na nakatulong sa kanilang sektor. KRIS JOSE