Home METRO Pasay cop nahaharap sa kaso sa ‘pang-aabuso’ sa karelasyon

Pasay cop nahaharap sa kaso sa ‘pang-aabuso’ sa karelasyon

3
0

MANILA, Philippines – Nahaharap sa reklamong administratibo at kriminal ang isang pulis ng Pasay City matapos siyang ireklamo ng kanyang karelasyon dahil sa umano’y paulit-ulit na pisikal, emosyonal at mental na pang-aabuso.

Kinilala ang complainant sa alyas na “Kara,” na nagsabing halos anim na taon silang nagsama ni Police Staff Sergeant Tyran John Miranda ng Pasay City Police Station.

Sa press briefing sa National Police Commission (NAPOLCOM) Central Office sa Quezon City, sinabi ni Kara na paulit-ulit umano siyang binubugbog at pinagbabantaan ng pulis.

Nagpakita rin siya ng mga video mula sa home security camera na umano’y nagpapakita ng ilang insidente ng pananakit.

Ayon kay Kara, nagsimula ang pang-aabuso noong Disyembre 2022 nang tutukan umano siya ng baril ni Miranda sa loob ng sasakyan.

Sinabi niyang dati na siyang naghain ng reklamo ngunit hindi niya ito itinuloy sa pag-asang maaayos pa ang kanilang pamilya.

Noong Oktubre 21, naghain siya ng kasong kriminal sa Pasay City kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.

Sinabi naman ni NAPOLCOM Vice Chairperson at Executive Officer Ralph Calinisan na posibleng pumasok sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer ang mga ipinakitang kilos sa video.

Inatasan niya ang NAPOLCOM Inspection, Monitoring and Investigation Service na bilisan ang imbestigasyon at ihanda ang kaukulang administrative charges.

Ayon kay Calinisan, maaari ring isailalim sa preventive suspension si Miranda habang dinidinig ang kaso.

Humarap naman sa media si Miranda at inamin na nagkamali siya. Nang tanungin tungkol sa umano’y paghabol kay Kara habang may dalang baril, sinabi niyang “nagpadala” siya sa init ng ulo.

Humingi rin siya ng tawad at sinabing handa niyang harapin ang magiging resulta ng kaso.

Ayon sa kanyang officer-in-charge, pinalitan na sa tungkulin si Miranda, dinisarmahan at inilagay sa mahigpit na kustodiya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here