MANILA, Philippines – NANAWAGAN ang Malakanyang sa mga grupong tutol sa proyektong Pax Silica na isulong ang mapayapang dayalogo sa halip na magsagawa ng karahasan sa kanilang pagpoprotesta.
Ang panawagan na ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ay kasunod ng komprontasyon sa pagitan ng mga pulis at mga nagpoprotesta sa harap ng harap ng Grand Hyatt Hotel sa Bonifacio Global City, Barangay Fort Bonifacio Taguig City kung saan dumalo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Huwebes.
Sa press conference sa Philippine Embassy sa New Delhi, India, binigyang diin ni Castro na habang ginagalang ng Pangulo ang freedom of expression, dapat na iwasan ng mga protesters ang mga pagkilos na magdudulot ng karahasan.
“Ang Pangulo po nire-recognize, ginagalang ang freedom of expression. Pero hindi po sa pamamaraang maaari kayong makapanakit o maaari pong dumaan ito o magdulot ng karahasan,” ayon kay Castro.
Sa ulat, umigting ang tensyon sa nasabing lugar nang hayagang magpahayag ng kanilang pagtutol ang mga nagprotesta sa Pax Silica initiative at nagtangka pang pumasok sa hotel.
Binigyang diin ni Castro na hindi makatutulong sa publiko na maintinidihan ang pagtutol ng mga grupong ito sa nasabing proyekto kung idadaan sa pagsigaw, paghiyaw at karahasan at hindi aniya nito malulutas ang mga usapin na kanilang nais na bigyang pansin.
“Hindi po ito parte ng isang freedom of expression. Kung mayroon silang nais na ipabatid patungkol sa issue ng Pax Silica, bukas ang ahensya ng pamahalaan na concerned dito sa project ng Pax Silica,” aniya pa rin.
“Hindi masusulusyonan ang issue ninyo sa pamamagitan nang mararahas na pagpoprotesta. Tayo po ay bansa na gumagamit ng tamang pag-e-evaluate, tamang pag-iisip, tamang pagdedesisyon,” dagdag na pahayag ni Castro.
Ang Pax Silica ay isang panukalang high-tech manufacturingat innovation hub sa ilalim ng Luzon Economic Corridor na naglalayong palakasin ang papel ng Pilipinas sa pandaigdigang supply chain ng semiconductors, artificial intelligence at critical minerals.
Ang proyekto ay maaaring makahikayat ng USD40 bilyon hanggang USD70 bilyong puhunan at makalikha ng hanggang 190,000 de-kalidad na trabaho para sa mga inhinyero, mananaliksik, computer science graduates at iba pang skilled Filipino professionals. KRIS JOSE