Home NATIONWIDE Embahada ng Pilipinas patuloy sa paghahanap sa nawawalang Pilipinong doktor sa Nepal

Embahada ng Pilipinas patuloy sa paghahanap sa nawawalang Pilipinong doktor sa Nepal

1
0

MANILA, Philippines – PATULOY ang pakikipag-ugnayan ng Philippine Embassy sa New Delhi, India sa mga awtoridad ng Nepal sa paghahanap sa Filipino physician na si Dr. Juan Carlos Manalo, na nawawala matapos ang mapaminsalang flash flood malapit sa hangganan ng Nepal at China nitong Agosto.

Ayon kay Philippine Ambassador to India Josel F. Ignacio, mahigpit na mino-monitor ng Embahada, kasama ang Philippine Honorary Consulate General sa Nepal na pinamumunuan ni Honorary Consul General Suraj Vaidya, ang nagpapatuloy na search operations at direktang nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad at rescue responders sa Nepal.

Muling nagpahayag ng pakikiramay si Ignacio sa pamilya ni Manalo, na nananatiling missing sa Nepal.

“We express our sympathy again to the family of our kababayan, Dr. Manalo, who remains listed as missing in Nepal,” ang pahayag ni Ignacio sa isang press briefing kasama ang ilang miyembro ng Malacañang Press Corps sa Philippine Embassy sa New Delhi, araw ng Biyernes.

Sinabi rin ni Ignacio na nagpapatuloy ang search and rescue operations para sa mga nawawala sa Nepal.

Samantala, tinutulungan din ng Embahada ang pamilya ni Manalo sa pagsunod sa kahilingan ng pamahalaan ng Nepal na magsumite ang mga kamag-anak ng mga nawawalang indibidwal ng DNA samples o impormasyon na maaaring makatulong sa proseso ng kanilang pagkakakilanlan.

“We are in touch with the family, including the call from the Nepal government for family members of the missing to provide DNA information. So we’re helping facilitate that,” pahayag pa ni Ignacio.

Dagdag pa niya, nakahanda ang Embahada na ibigay ang lahat ng kinakailangang suporta sa pamilya ni Manalo.

Si Manalo, 30-anyos na doktor mula Tarlac City, ay iniulat na naglalakbay kasama ang isang pilgrimage group nang tumama ang malawakang flash flood at mudslide sa hangganan ng Nepal at Tibet noong Agosto 26.

Huling nakipag-ugnayan ang kanyang pamilya sa kanya noong Agosto 25 at mula noon ay hindi na siya nakontak at nananatiling hindi matagpuan, kasama ng libo-libong iba pang indibidwal na naapektuhan ng kalamidad. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here