MANILA, Philippines – Maaaring bumaba sa 13 ang bilang ng boto na kailangan para ma-convict si Vice President Sara Duterte sa impeachment case kung 20 senador lamang ang legal na makakalahok bilang senator-judges sa oras ng botohan.
Ayon sa abogado na si Howard Calleja, maaaring magbago ang basehan ng two-thirds vote depende sa bilang ng mga senador na legal at aktuwal na makagaganap bilang miyembro ng impeachment court.
“We are applying two-thirds kasi tignan po natin ang batas, concurrence of two-thirds of all members. Hindi sinabing 16, hindi sinabing 24. So, movable po yung number ng two-thirds, movable din yung number ng all members,” ani Calleja.
Sinabi niyang kung 20 senador lamang ang makikilahok, 13 boto ang maaaring kailanganin para sa conviction.
Sa kasalukuyan, 16 na boto ang posisyon ng House prosecution panel para sa conviction, alinsunod sa unang ruling ng presiding officer ng impeachment court.
Nakatakda namang dinggin ng Senado ang mga constitutional expert, kabilang ang mga dating mahistrado ng Supreme Court, bago muling pagpasiyahan ang usapin sa voting threshold.
Aabot sa huli sa impeachment court ang pagpapasya kung mananatili ang 16-vote requirement o gagamit ng ibang interpretasyon sa probisyon ng Konstitusyon. RNT/MDS