COTABATO CITY, Philippines – Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado na 100% handa na ito para sa kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections na gaganapin sa Lunes, Setyembre 14.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, natapos na ang final testing at sealing ng automated counting machines (ACMs) sa Cotabato City.
Hinimok niya ang mga botante na i-shade ang oval sa balota at huwag itong lagyan ng “X” o tuldok upang mabasa nang maayos ng makina. Kailangan umano ng hindi bababa sa 25% na shading sa oval.
Sinabi rin ni Garcia na may ilang guro na nakaranas ng problema habang sinusubukan ang mga ACM, ngunit agad itong naayos bago ang halalan.
Nanawagan din siya sa mga kandidato na panatilihing mapayapa ang kanilang “meeting de avance” at hinimok ang publiko na manatiling mapagmatyag bago, habang at matapos ang halalan.
Aabot sa 80 parliamentary seats ang paglalabanan sa BARMM elections, habang nasa 2,393,202 ang rehistradong botante sa rehiyon. RNT/MDS