Home OPINION TERM FIXING, DELIKADO KALAYAAN NG MAMAMAYAN

TERM FIXING, DELIKADO KALAYAAN NG MAMAMAYAN

2
0

ANG panukalang “fixing the term” ng barangay at SK officials ay isang anyo ng legislative trickery na dapat tutulan ng taumbayan.

Bagamat kapangyarihan ng Kongreso ang pag-aayos ng termino ng mga halal na opisyal, ang kapangyarihang ito ay hindi absolute. Kailangang may compelling government interest. Ngunit ano ang tunay na problema ng bayan na malulutas sa muling pagpapaliban ng halalan?

Sa bawat pagbabago ng schedule ng Barangay at SK elections, pinagkakaitan ang mga mamamayan ng regular na pagkakataong bumoto, magpalit ng mga opisyal na tiwali, at magluklok ng mga tunay na lingkod-bayan.

Ang SK officials naman, baka maging senior citizens na bago pa mapalitan dahil sa sunod-sunod na pagpapaliban ng halalan. Ang isang posisyon na dapat sana ay nagsisilbing training ground ng kabataan sa public service ay maaaring mauwi sa terminong halos walang katapusan.

Mas seryoso pa rito, ang mga elected officials ay nagmumukhang legislative appointments kapag paulit-ulit na ine-extend ng Kongreso ang termino ng mga nakaupo. Ang mandato ng botante ay napapalitan ng desisyon ng mga mambabatas.

At walang kasiguraduhan na ang kasalukuyang “fixing” ay magiging huli na. Kapag nasimulan ang ganitong sistema, maaaring maulit ito sa bawat pagkakataong may dahilan para ipagpaliban ang halalan.

Ngunit tila iba ang pananaw ng karamihan sa ating mga mambabatas.

Are we saving the money of the government, or the money stolen from the government?

Kung pagtitipid ang dahilan, bakit kailangang ang demokrasya ang unang isakripisyo?

Ngayon, nasa kamay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang mahalagang desisyon kung i-veto niya ang mapaglinlang na panukala, o pipirmahan para sa sariling pulitika?

Kung ganoon, ang natitirang pag-asa ng taumbayan ay nasa Korte Suprema.

Dahil ang halalan ay hindi pribilehiyo ng mga nakaupo. Ito ay karapatan ng taong nagluklok sa kanila.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here