Home OPINION BOTONG MABABA SA 16 VS VP SARA

BOTONG MABABA SA 16 VS VP SARA

3
0

NAKATAKDANG humarap ang apat na amici curae o kaibigan ng korte sa Setyembre 16 o Miyerkules sa Impeachment Court para magbigay ng kanilang ligal na kaalaman at paninindigan ukol sa kontrobersyal na kinakailangang boto para madeklarang guilty si Vice President Sara Duterte sa kahit isa sa 4 na kaso o Articles of Impeachment na kinahaharap nito.

Kabilang sa mga haharap sina dating Supreme Court Chief Justice Reynato S. Puno at Artemio Panganiban at Associate Justice Adolf Azcuna.

Hindi umano personal na sasali si dating Chief Justice Hilario Davide ngunit magsusumite ng legal memorandum.

Sa Setyembre 23, Miyerkules din, magdedebate naman ang prosekusyon at depensa ukol sa kontrobersya.

Makaraan ang lahat ng pagdinig, magdedesisyon na ang Impeachment Court at maaaring ibabatay o hindi ng bawat indibidwal o grupo ng mga senador-hukom ang kanilang narinig sa mga pahayag ng mga mga Hukom galing sa Supreme Court at kanya-kanyang posisyon ng prosekusyon at depensa.

KONTRA AT PABOR SA 16 BOTO

Malamang na mahahati ang mga Hukom sa kanilang mga pahayag.

‘Yun bang === may pabor sa 16 boto at may pabor sa mas maliit na boto.

Ito’y sa kabila ng pagdidiin ng Impeachment Court na pawang mga patas o impartial ang mga ito.

Tiyak din namang maninindigan ang prosekusyon na mas mababa sa 16 boto ang kailangan dahil sa kawalan sa pagdinig ang tatlong senador-hukom na sina Dante Marcoleta, Jinggoy Estrada at Ronald dela Rosa.

Wala pang katiyakan naman kung babalik sa tamang panahon sina Loren Legarda at Alan Peter Cayetano na nakasali sa pagdinig sa dalawang Article of Impeachment na Grave Threats at Misuse of Confidential Fund.

Titindig din ang depensa sa probisyon ng 1987 Konstitusyon, partikular ang Article 11, Section 3(6) na nagsasabing dalawang katlo o 16 ang kinakailangang boto mula sa lahat ng 24 na senador.

Itinuturing na kasali bilang senador pa rin sina Marcoleta, Estrada at Dela Rosa dahil hindi sila tanggal sa bilang senador batay sa pagbibitiw o resignation, kamatayan, expulsion o pagpapalayas ng Senado at pag-alis bilang senador para lumipat sa ibang tungkulin.

PASYA NG SENADO, KASO SA SUPREME COURT

Sinasabi ng mga senador-hukom na gagamitin nila sa pagpapasya bilang gabay ang malalalam nila mula sa mga Hukom ng Supreme Court at debate ng prosekusyon at depensa sa kontrobersya.

Isasama na rin nila ang mga lalabas na ebidensya na ipiniprisinta ng prosekusyon at ipiprisinta ng depensa.

Kung ano ang magiging pasya ng mga senador-hukom, malalalaman na lamang sa katapusan ng pagdinig at araw ng pagpapasya.

Sakaling magpasya ang Impeachment Court at ideklarang guilty si VP Sara, tiniyak ni defense lead counsel Atty. Sheila Sison na kukuwestiyunin nila ito sa Supreme Court batay sa “matinding pagmamalabis ng kapangyarihan na katumbas ng kawalan ng hurisdiksyon” o grave abuse of discretion amounting to lack of jurisdiction.

Saan nga kaya hahantong ang lahat ng ito at ano ang ibubunga nito sa bayan at taumbayan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here