MANILA, Philippines — Nangako ang India-based iSON Group ng $75 milyong bagong at pinalawak na investments sa Pilipinas na inaasahang lilikha ng humigit-kumulang 2,000 trabaho, kasunod ng serye ng business meetings ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa New Delhi, India.
Saklaw ng investment plans ng kumpanya ang agricultural technology, healthcare, business process outsourcing at digital infrastructure.
Kabilang dito ang planong $50-million agro-solar project, healthcare at 24/7 teleconsultation services, gayundin ang $10-million expansion ng BPO at global delivery centers.
Sinabi ni Trade and Industry Secretary Maria Cristina Roque na nagpahayag din ang iba pang Indian companies ng planong palawakin ang kanilang operasyon sa Pilipinas sa digitalization, artificial intelligence, telecommunications at iba pang technology-driven industries.
Nakipagpulong din si Marcos sa NPCI International Limited para pag-aralan ang posibleng paggamit sa Pilipinas ng payment system na nakabatay sa Unified Payments Interface o UPI ng India, katuwang ang LandBank.
Tinalakay rin ng Pangulo sa GMR Group at Cavitex Holdings ang pagpapaunlad ng Sangley Point International Airport sa Cavite, na target gawing multi-runway aviation hub upang makatulong sa pagluwag ng air traffic at pagpapalakas ng logistics at turismo.
Dumalo si Marcos sa India para sa 18th BRICS Summit bilang chairman ng ASEAN ngayong 2026. Kris Jose