MANILA, Philippines — Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga botante ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na bumoto nang may karunungan, dangal at paggalang sa isa’t isa sa kauna-unahang parliamentary elections ng rehiyon ngayong Lunes, Setyembre 14.
Sinabi ng Pangulo na mahalagang gamitin ng mga botante ang kanilang boto upang pumili ng mga lider na magpapalakas sa mga institusyon ng Bangsamoro at makatutulong sa pag-unlad ng Mindanao at ng buong bansa.
“May the votes that you will cast help us identify good leaders who can strengthen the institutions of the Bangsamoro and contribute to the progress of Mindanao and the entire nation,” ani Marcos.
Hinimok din niya ang publiko na pangalagaan ang integridad ng balota at panatilihin ang kapayapaang naging daan upang maisagawa ang halalan.
Tinawag ni Marcos na “defining moment” sa kasaysayan ng BARMM at ng bansa ang halalan dahil dito pipiliin ang mga kinatawang bubuo sa unang democratically elected Bangsamoro Parliament.
“This election marks a milestone in the continuing journey of the BARMM toward lasting peace, democratic governance, and meaningful self-determination,” ani Marcos.
“As we nurture our Bagong Pilipinas, may the choices that we make further deepen our sense of civic duty and forge stronger bonds that hold us together as one nation,” dagdag niya.
“Inshallah. Mabuhay ang BARMM,” pagtatapos ng Pangulo. Kris Jose