Home NATIONWIDE Conviction threshold sa VP Sara impeachment, posibleng 2 beses pagbotohan

Conviction threshold sa VP Sara impeachment, posibleng 2 beses pagbotohan

3
0

MANILA, Philippines — Posibleng dalawang magkahiwalay na botohan ang kailanganin ng Senate impeachment court upang tuluyang maresolba kung ilang boto ang kinakailangan para ma-convict si Vice President Sara Duterte.

Ayon kay impeachment court spokesperson Reginald Tongol, unang pagbobotohan ng mga senator-judge kung pananatilihin o babaligtarin ang ruling ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na 16 boto, o two-thirds ng 24-member Senate, ang kailangan para sa conviction.

Kapag nagkaroon ng mayoryang bumaligtad sa ruling, sinabi ni Tongol na maaaring kailanganin ang panibagong botohan upang tukuyin kung ano ang magiging bagong bilang o denominator para sa final conviction vote.

“If magkaroon ng majority vote na i-reverse yung ruling, then hindi na 16, hard 16 ang magiging count for the final vote. Now, what number that is, we don’t know,” ani Tongol.

Kabilang sa kailangang linawin kung paano bibilangin ang mga senador na absent, naka-medical leave, nakakulong o hindi kasalukuyang nakikilahok sa impeachment proceedings.

Sa kasalukuyang 20 aktibong senator-judges, sinabi ni Tongol na 11 boto ang kakailanganin upang baligtarin ang 16-vote ruling kung lahat ng 20 ay dadalo at boboto, kabilang si Escudero.

Nakatakdang dinggin sa Setyembre 16 ang pananaw ng mga inimbitahang amici curiae o “friends of the court” hinggil sa voting threshold bago ang oral arguments ng prosecution at defense sa Setyembre 23.

Nilinaw ni Tongol na hindi pa pinal kung paano eksaktong bubuuin ang tanong na pagbobotohan ng impeachment court at ayaw nilang pangunahan ang magiging pasya ng mga senator-judge.

Nauna namang iginiit ni Sen. Erwin Tulfo na ang kanyang apela ay hindi para awtomatikong pababain ang conviction threshold kundi upang linawin kung sino ang dapat isama sa tinutukoy ng Konstitusyon na “all the Members of the Senate.” Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here