MANILA, Philippines — Hiniling ng Senate impeachment court sa Supreme Court (SC) na ibasura ang petisyon nina Senators Bong Go at Robin Padilla na kumukuwestiyon sa itinakdang voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG), iginiit ng impeachment court na premature at walang sapat na merito ang petition for certiorari and prohibition na inihain nina Go, Padilla at PDP-Laban.
Hiniling din ng OSG na tanggihan ang kanilang kahilingan para sa status quo ante order, temporary restraining order at writ of preliminary injunction.
Naunang dumulog sa SC ang mga petitioner upang kuwestiyunin ang desisyon ng impeachment court na ibatay ang kinakailangang two-thirds vote sa bilang ng mga senador na legal at aktuwal na maaaring lumahok sa impeachment proceedings.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, kinakailangan ang concurrence ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado upang ma-convict ang isang opisyal sa impeachment trial.
Ayon sa OSG, nasa Senate impeachment court ang kapangyarihan at responsibilidad na magpasya kung paano ipatutupad ang naturang voting threshold.
Iginiit din nito na walang grave abuse of discretion sa naging desisyon dahil nabigyan umano ng pagkakataon ang prosecution at defense na ihayag ang kanilang posisyon at nakapagsagawa rin ng deliberasyon ang mga senator-judge.
Sinabi pa ng OSG na hindi binago ng Senado ang probisyon ng Konstitusyon kundi binigyan lamang ito ng interpretasyon kaugnay ng mga senador na hindi maaaring manumpa o lumahok sa proceedings.
Ayon sa OSG, kung isasama sa bilang ang mga hindi nakalalahok na senador, maaari silang maituring na para bang bumoto sila pabor sa acquittal kahit hindi naman sila aktuwal na nakilahok sa paglilitis. RNT