MANILA, Philippines — Nauwi sa tulakan at komosyon ang protesta ng mga manggagawa sa harap ng Department of Labor and Employment (DOLE) Central Office sa Maynila nitong Lunes, Setyembre 14, kaugnay ng nakabinbing P85 minimum wage increase sa National Capital Region.
Nagsimula ang tensyon nang maglagay umano ang mga raliyista ng banner na tumakip sa logo ng DOLE at tangka itong alisin ng mga security personnel, na nauwi sa pagbalyahan at tulakan.
Muling nanawagan ang mga demonstrador na ipatupad nang buo ang P85 dagdag-sahod sa NCR at huwag umano itong bawasan.
Ang Wage Order No. NCR-27 ay nagtatakda ng kabuuang P85 dagdag sa minimum wage sa dalawang tranche—P60 sa unang tranche at P25 sa ikalawa. Gayunman, nahinto ang implementasyon matapos maglabas ang Pasig Regional Trial Court Branch 152 ng writ of preliminary injunction laban dito.
Nauna nang sinabi ng DOLE na naghain ito ng mga legal na hakbang upang ma-lift ang injunction at maipatupad ang wage order.
Kasabay ng protesta, nanawagan din ang ilang raliyista na patalsikin sa puwesto si Labor Secretary Francis Tolentino. Jocelyn Tabangcura-Domenden