MANILA, Philippines — Maaaring maging batayan ng pagtanggal sa puwesto ang pagkakaroon ng isang public official ng yamang hindi maipaliwanag at labis na hindi tugma sa kanyang lehitimong kita, ayon kay dating Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang.
Ito ang ipinaliwanag ni Cabotaje-Tang nitong Lunes habang tumetestigo bilang expert witness sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng Article II ng impeachment complaint.
Ayon kay Cabotaje-Tang, nakasaad sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act na maaaring maging ground for dismissal o removal kapag napatunayang nakakuha ang isang public official habang nasa puwesto ng ari-arian o salaping “manifestly out of proportion” sa kanyang suweldo at iba pang lawful income.
Gayunman, nilinaw niya na ang pagkakaroon ng ari-ariang hindi tugma sa kita ay hindi awtomatikong katumbas ng criminal conviction.
Sa ilalim ng Republic Act No. 1379, maaaring magkaroon ng presumption na unlawfully acquired ang naturang property, ngunit maaari itong pabulaanan kung maipapaliwanag ng opisyal kung paano ito legal na nakuha.
Nilinaw din ni impeachment court presiding officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na ang testimonya ni Cabotaje-Tang ay tungkol sa pangkalahatang legal framework sa unexplained wealth at hindi pa konklusyon sa mga partikular na alegasyon laban kay Duterte.
Sa Article II, inaakusahan ng prosecution si Duterte ng umano’y unexplained wealth at hindi kumpletong disclosure ng assets, liabilities at business interests.
Ang mga ito ay alegasyon pa lamang na kailangang patunayan ng prosecution sa impeachment trial. RNT/Ernie Reyes