MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa nitong Lunes ang panukalang magtatakda ng limang taong termino para sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK), na magtutulak din sa nakatakdang 2026 elections patungong 2028.
Nakakuha ang Senate Bill No. 2387 ng 13 botong pabor at lima ang tutol, habang walang nag-abstain.
Bumoto kontra sa panukala sina Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III at Sens. Risa Hontiveros, Bam Aquino, Francis “Kiko” Pangilinan at Joel Villanueva.
Sa ilalim ng panukala, magiging limang taon ang termino ng barangay at SK officials, na may limitasyong dalawang termino.
Kapag naisabatas, mauurong ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na nakatakda sa Nobyembre 2, 2026 at idaraos sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028.
Aprubado na rin ng House of Representatives ang sariling bersyon ng panukala kaya kinakailangan pang pag-isahin sa bicameral conference committee ang dalawang bersyon bago ito ipadala sa Pangulo.
Ipinaliwanag ni Aquino ang kanyang pagtutol sa pagsasabing dapat matuloy ang halalan ngayong Nobyembre upang mabigyan ng pagkakataon ang mga botante, partikular ang kabataan, na pumili ng bagong lider.
“Maraming kabataan po ang handang tumakbo at maglingkod sa kanilang komunidad,” ani Aquino.
Tinutulan din ni Pangilinan ang pagpapaliban, iginiit na matagal nang hinihikayat ang kabataan na bumoto at tumakbo sa BSKE kaya hindi dapat iurong ang nakatakdang halalan habang naghahanda na silang lumahok.