WALANG nakasabit na karatulang “Martial Law.” Walang tangke sa bawat kanto. Walang curfew na ipinapatupad sa buong bansa. Ngunit may lumalaking pangamba ang mamamayan dahil tila unti-unti nang sumisikip ang espasyo para sa malayang pagpuna sa pamahalaan.
Ito ang dahilan kung bakit lumulutang ngayon ang katagang silent martial law.
Hindi ito nangangahulugang opisyal nang idineklara ang batas militar. Hindi pa. Ang tunay na usapin ay kung may mga kilos at polisiya bang maaaring magdulot ng parehong epekto—takot magsalita, pangamba sa pagprotesta at pag-iingat ng mga kritiko dahil baka ang kanilang salita ay mauwi sa kaso.
May mga naiulat na pag-aresto sa mga nagpoprotesta ngayong taon, kabilang ang mga insidente na kinuwestyon ng mga human rights advocates. Mayroon ding mga kasong isinampa laban sa ilang personalidad na hayagang kumokontra sa administrasyon.
Natural lamang na magtanong ang publiko.
Sa isang demokrasya, hindi krimen ang pumuna. Hindi pagtataksil ang magtanong. Hindi kasalanan ang magsabi na may mali sa gobyerno.
Maaaring may mga kritiko na talagang lumalampas sa batas. Kung ganoon, kasuhan sila—pero dapat malinaw ang ebidensya, patas ang proseso at pantay ang pagpapatupad ng batas.
Ang problema ay kapag nabuo ang impresyon na mas mabilis ang kamay ng estado laban sa kritiko kaysa laban sa mga problemang kumakain sa kaban ng bayan.
Mismong Konstitusyon ay naglalagay ng malinaw na limitasyon kahit sa tunay na martial law. Hindi nito awtomatikong sinasara ang Kongreso, pinapalitan ang mga hukuman ng military courts, o binubura ang Saligang Batas.
Kaya lalong dapat mag-ingat ang pamahalaan.
Dahil ang demokrasya ay hindi nasusukat sa kawalan ng tangke sa kalsada.
Nasusukat ito sa kalayaan ng ordinaryong Pilipino na magsalita, pumuna at magtanong nang hindi natatakot na ang kapalit ng kanyang boses ay kaso, pagkakulong o panggigipit.
Kapag natuto nang manahimik ang bayan dahil sa takot, doon tunay na nagiging mapanganib ang katahimikan.






