KAKAUNTI lang ang suplay ng langis na galing sa Middle East at nakatatakot isiping nagmahal na ito nang husto dahil sa giyerang United States, Iran at Houthi.
Dahil sa giyera, halos sarado na ang Strait of Hormuz na labasan ng langis mula sa Persian Gulf na naroroon ang oil producers na Iran, Iraq, Kuwait, Bahrain, United Arab Emirates, Qatar, Saudi Arabia at Oman.
Halos sarado rin ang Bab el Mandeb Strait na labasan ng langis mula sa Saudi Arabia sa parteng Red Sea.
Sunod-sunod na rin ang mga oil tanker na inaatake, sinisira at pinalulubog ng United States, Iran at Houthi at nasa 30 barko na umano ang biktima.
Isa pa, lumiliit din ang suplay ng Russia sa mundo na bumubuo ng 11 porsyento ng kabuuang suplay ng langis dahil sa mga pag-atake ng Ukraine sa mga oil refinery, balon at barko ng una.
Partikular sa Saudi Arabia, itinigil na nito ang paglalabas ng 7 milyong bariles ng langis araw-araw sa Red Sea dahil sa pag-atake ng mga drone sa East-West pipeline nito.
Nagbunga ang lahat sa paglundag ng presyo ng langis mula sa $85 kada bariles nitong nakaraang linggo sa $102 para sa West Texas Oil ng US at $108 para sa Brent Oil sa Europe.
Dahil dito, ang Pinas na sinasabing halos 100% importer ng langis ang naghihirap sa mahal na langis.
Halos doble na ang presyo kada litro ang diesel, gasolina, kerosene, aviation fuel sa eroplano, bunker fuel sa barko at iba pa mula sa nasa P55 lamang noong Marso 2026.
Nagbunga naman ito ng sobrang pagtaas ng presyo ng lahat ng bilihin.
May remedyo naman para gumaan kahit kaunti ang ating kalagayan gaya ng suspensyon ng excise tax sa langis, pagtanggal ng VAT dito, pagkontrol sa pagpepresyo ng mga kompanyang langis, ngunit nasaan?






